1 At sinabi ni Balaam kay Balac, Ipagtayo mo ako rito ng pitong dambana, at ipaghanda mo ako rito ng pitong toro at ng pitong tupang lalake. 2 At ginawa ni Balac gaya ng sinalita ni Balaam; at si Balac at si Balaam ay naghandog sa bawa't dambana ng isang toro at ng isang tupang lalake. 3 At sinabi ni Balaam kay Balac, Tumayo ka sa tabi ng iyong handog na susunugin, at ako'y yayaon; marahil ang Panginoon ay paririto na sasalubungin ako: at anomang bagay na kaniyang ipakita sa akin ay aking sasaysayin sa iyo. At siya'y naparoon sa isang dakong mataas na walang tanim. 4 At sinalubong ng Dios si Balaam: at sinabi niya sa kaniya, Aking inihanda ang pitong dambana, at aking inihandog ang isang toro at ang isang tupang lalake sa bawa't dambana. 5 At nilagyan ng Panginoon ng salita ang bibig ni Balaam, at sinabi: Bumalik ka kay Balac, at ganito ang iyong sasalitain. 6 At siya'y bumalik sa kaniya, at, narito, siya'y nakatayo sa tabi ng kaniyang handog na susunugin, siya at ang lahat ng mga prinsipe sa Moab.
7 At kaniyang ibinadya ang kaniyang talinhaga, at sinabi, Mula sa Aram ay dinala ako rito ni Balac, Niyang hari sa Moab, na mula sa mga bundok ng Silanganan: Parito ka, sumpain mo sa akin ang Jacob. At parito ka, laitin mo ang Israel. 8 Paanong aking susumpain ang hindi sinumpa ng Dios? At paanong aking lalaitin ang hindi nilait ng Panginoon? 9 Sapagka't mula sa taluktok ng mga bato ay aking nakikita siya, At mula sa mga burol ay akin siyang natatanawan: Narito, siya'y isang bayang tatahang magisa, At hindi ibinibilang sa gitna ng mga bansa. 10 Sinong makabibilang ng alabok ng Jacob, O ng bilang ng ikaapat na bahagi ng Israel? Mamatay nawa ako ng kamatayan ng matuwid, At ang aking wakas ay magiging gaya nawa ng kaniya!
11 At sinabi ni Balac kay Balaam, Anong ginawa mo sa akin? Ipinagsama kita upang sumpain mo ang aking mga kaaway, at, narito, iyong pinagpala silang totoo. 12 At siya'y sumagot, at nagsabi, Hindi ba nararapat na aking pagingatang salitain yaong isinasa bibig ko ng Panginoon?