22 At ang galit ng Dios ay nagningas sapagka't siya'y naparoon: at ang anghel ng Panginoon ay lumagay sa daan na pinaka kalaban niya. Siya nga'y nakasakay sa kaniyang asno at ang kaniyang dalawang alipin ay kasama niya. 23 At nakita ng asno ang anghel ng Panginoon na nakatayo sa daan, na hawak ang kaniyang bunot na tabak: at ang asno ay lumiko sa daan, at napasa parang: at pinalo ni Balaam ang asno, upang ibalik siya sa daan. 24 Nang magkagayo'y tumayo ang anghel ng Panginoon sa isang makipot na daan sa pagitan ng mga ubasan, na ang isang bakod ay sumasadako rito, at ang isang bakod ay sumasadakong yaon. 25 At nakita ng asno ang anghel ng Panginoon, at siya'y inipit sa bakod, at naipit ang paa ni Balaam sa bakod: at kaniyang pinalo uli ang asno. 26 At ang anghel ng Panginoon ay nagpauna uli at tumayo sa isang makipot na dako na walang daan lilikuan kahit sa kanan ni sa kaliwa. 27 At nakita ng asno ang anghel ng Panginoon, at siya'y nalugmok sa ilalim ni Balaam: at ang galit ni Balaam ay nagningas, at kaniyang pinalo ang asno ng kaniyang tungkod. 28 At ibinuka ng Panginoon ang bibig ng asno, at nagsabi kay Balaam, Ano ang ginawa ko sa iyo, na ako'y pinalo mo nitong makaitlo? 29 At sinabi ni Balaam sa asno, Sapagka't tinuya mo ako: mayroon sana ako sa aking kamay na isang tabak, pinatay disin kita ngayon. 30 At sinabi ng asno kay Balaam, Di ba ako'y iyong asno na iyong sinakyan sa buong buhay mo hanggang sa araw na ito? gumawa ba kaya ako kailan man ng ganito sa iyo? At kaniyang sinabi, Hindi.
31 Nang magkagayo'y idinilat ng Panginoon ang mga mata ni Balaam, at kaniyang nakita ang anghel ng Panginoon na nakatayo sa daan, na hawak ang kaniyang bunot na tabak: at kaniyang iniyukod ang kaniyang ulo, at nagpatirapa. 32 At sinabi sa kaniya ng anghel ng Panginoon, Bakit mo pinalo ang iyong asno nitong makaitlo? Narito, ako'y naparito na pinaka kalaban, sapagka't ang iyong lakad ay masama sa harap ko: 33 At nakita ako ng asno, at lumiko sa harap ko nitong makaitlo: kundi siya lumihis sa harap ko, ay tunay na ngayon ay napatay kita, at nailigtas ang kaniyang buhay. 34 At sinabi ni Balaam sa anghel ng Panginoon, Ako'y nagkasala; sapagka't hindi ko nalamang ikaw ay nakatayo sa daan laban sa akin: ngayon nga, kung inaakala mong masama, ay babalik ako uli. 35 At sinabi ng anghel ng Panginoon kay Balaam, Sumama ka sa mga tao: nguni't ang salita lamang na aking sasalitain sa iyo, ang siyang sasalitain mo. Sa gayon ay sumama si Balaam sa mga prinsipe ni Balac.
36 At nang mabalitaan ni Balac na si Balaam ay dumarating, ay lumabas upang kaniyang salubungin siya sa bayan ng Moab, na nasa hangganan ng Arnon, na siyang katapusang bahagi ng hangganan. 37 At sinabi ni Balac kay Balaam, Di ba ikaw ay aking pinaparoonang dalidali upang tawagin ka? bakit nga hindi ka naparito sa akin? hindi ba tunay na mapapupurihan kita? 38 At sinabi ni Balaam kay Balac, Narito, ako'y naparito sa iyo: mayroon ba ako ngayong anomang kapangyarihan na makapagsalita ng anomang bagay? ang salitang ilagay ng Dios sa aking bibig, yaon ang aking sasalitain. 39 At si Balaam ay sumama kay Balac, at sila'y naparoon sa Chiriath-huzoth. 40 At naghain si Balac, ng mga baka at mga tupa, at ipinadala kay Balaam, at sa mga prinsipe na kasama niya.
41 At nangyari nang kinaumagahan, na isinama ni Balac si Balaam at isinampa siya sa matataas na dako ni Baal, at kaniyang nakita mula roon ang katapustapusang bahagi ng bayan.