Abraham Intercedes for Sodom

Genesis 18

22 At ang mga lalake ay nagsilayo roon at nagsitungo sa Sodoma datapuwa't si Abraham ay nakatayo pa sa harapan ng Panginoon. 23 At lumapit si Abraham, at nagsabi, Ang mga banal ba ay iyong lilipuling kasama ng mga masama? 24 Kung sakaling may limang pung banal sa loob ng bayan: lilipulin mo ba, at di mo patatawarin ang dakong yaon, alangalang sa limang pung banal na nasa loob niyaon? 25 Malayo nawa sa iyo ang paggawa ng ganito, na ang banal ay iyong pataying kasama ng masama, anopa't ang banal ay mapara sa masama; malayo nawa ito sa iyo: di ba gagawa ng matuwid ang Hukom ng buong lupa? 26 At sinabi ng Panginoon, Kung makasumpong ako sa Sodoma ng limang pung banal sa loob ng bayan, patatawarin ko ang buong dakong yaon, alangalang sa kanila.

27 At sumagot si Abraham, at nagsabi, Narito, ngayo'y nangahas akong magsalita sa Panginoon, akong alabok at abo lamang: 28 Kung sakaling magkukulang ng lima sa limang pung banal: lilipulin mo ba, dahil sa limang kulang, ang buong bayan? At sinabi niya, Hindi ko lilipulin kung makasumpong ako roon ng apat na pu't lima. 29 At siya'y muling nagsalita pa sa kaniya, at nagsabi, Marahil ay may masusumpungang apat na pu. At sinabi niya, Hindi ko gagawin, alangalang sa apat na pu. 30 At sinabi niya, Oh huwag magalit ang Panginoon, at ako'y magsasalita: kung sakaling may masusumpungan doong tatlong pu. At sinabi niya, Hindi ko gagawin kung makakasumpong ako roon ng tatlong pu. 31 At kaniyang sinabi, Narito ngayon, ako'y nangahas na magsalita sa Panginoon: kung sakaling may masusumpungan doong dalawang pu. At sinabi niya, Hindi ko lilipulin, alangalang sa dalawang pu. 32 At sinabi niya, Oh huwag magalit ang Panginoon at magsasalita na lamang akong minsan: kung sakaling may masusumpungan doong sangpu: at sinabi niya, Hindi ko lilipulin, alangalang sa sangpu. 33 At ang Panginoon ay nagpatuloy, pagkatapos na makipagusap kay Abraham: at si Abraham ay nagbalik sa kaniyang dako.

Next Book Next Book