Isaac's Birth Promised

Genesis 17

15 At sinabi ng Dios kay Abraham, Tungkol kay Sarai na iyong asawa, ay huwag mo nang tatawagin ang kaniyang pangalang Sarai, kundi Sara ang magiging kaniyang pangalan. 16 At akin siyang pagpapalain, at saka sa kaniya'y bibigyan kita ng anak: oo, siya'y aking pagpapalain, at magiging ina ng mga bansa; ang mga hari ng mga bayan ay magmumula sa kaniya. 17 Nang magkagayo'y nagpatirapa si Abraham, at nagtawa, at nasabi sa kaniyang sarili, Magkakaanak kaya siya na may isang daang taon na? at manganak pa kaya si Sara na may siyam na pung taon na? 18 At sinabi ni Abraham sa Dios, Kahimanawari, si Ismael ay mabuhay sa harapan mo! 19 At sinabi ng Dios, Hindi, kundi ang iyong asawang si Sara ay magkakaanak sa iyo; at tatawagin mo ang kaniyang ngalang Isaac; at aking pagtitibayin ang aking tipan sa kaniya ng pinakatipang walang hanggan, sa kaniyang lahi pagkamatay niya. 20 At tungkol kay Ismael, ay dininig din kita. Narito't aking pinagpala siya, at siya'y aking papagaanakin ng marami, at siya'y aking pararamihin ng di kawasa; labing dalawang prinsipe ang kaniyang magiging anak, at siya'y gagawin kong malaking bansa. 21 Nguni't ang aking tipan ay pagtitibayin ko kay Isaac na iaanak sa iyo ni Sara, sa tadhanang araw, sa taong darating.

22 At nang matapos na makipagusap sa kaniya, ay napaitaas ang Dios mula sa piling ni Abraham. 23 At ipinagsama ni Abraham si Ismael, na kaniyang anak, at ang lahat na ipinanganak sa kaniyang bahay, at ang lahat ng binili niya ng kaniyang salapi, ang lahat ng lalake sa mga lalaking kasangbahay ni Abraham, at tinuli ang laman ng kanilang balat ng masama ng araw ding yaon, ayon sa sinabi ng Dios sa kaniya. 24 At si Abraham ay may siyam na pu't siyam na taon, nang tuliin ang laman ng kaniyang balat ng masama. 25 At si Ismael ay may labing tatlong taon, nang tuliin ang laman ng kaniyang balat ng masama. 26 Nang araw ding yaon tinuli si Abraham, at si Ismael na kaniyang anak. 27 At lahat ng lalaking kasangbahay niya, maging ang mga ipinanganak sa bahay, at ang mga binili ng salapi sa taga ibang lupain, ay pinagtuling kasama niya.

Genesis 18

1 At napakita ang Panginoon sa kaniya sa mga punong encina ni Mamre, habang siya'y nakaupo sa pintuan ng tolda, ng kainitan ng araw. 2 At itiningin ang kaniyang mga mata at nagmalas, at, narito't tatlong lalake ay nakatayo sa tabi niya: at pagkakita niya sa kanila, ay tinakbo niya upang sila'y salubungin mula sa pintuan ng tolda, at yumukod siya sa lupa. 3 At nagsabi, Panginoon ko, kung ngayo'y nakasumpong ako ng biyaya sa iyong paningin, ay ipinamamanhik ko sa iyo, na huwag mong lagpasan ang iyong lingkod. 4 Itulot mong dalhan kayo rito ng kaunting tubig, at maghugas kayo ng inyong mga paa, at mangagpahinga kayo sa lilim ng kahoy. 5 At magdadala ako ng isang subong tinapay at inyong palakasin ang inyong puso; at pagkatapos ay magsisipagtuloy kayo: yamang kayo'y naparito sa inyong lingkod, At nagsipagsabi, Mangyari ang ayon sa iyong sinabi. 6 At si Abraham ay nagmadaling napasa tolda ni Sara, at sinabi, Maghanda ka agad ng tatlong takal ng mainam na harina, iyong tapayin at gawin mong mga munting tinapay. 7 At tumakbo si Abraham sa bakahan at nagdala ng isang bata at mabuting guya, at ibinigay sa alipin; at siya'y nagmadali, upang lutuin. 8 At siya'y kumuha ng mantekilla, at ng gatas, at ng guyang niluto niya, at inihain sa harapan nila; at siya'y tumayo sa siping nila sa lilim ng punong kahoy; at sila'y nagsikain.

9 At sinabi nila sa kaniya, Saan naroon si Sara na iyong asawa? At sinabi niya Narito, nasa tolda. 10 At sinabi niya, Walang salang di ako babalik sa iyo sa ganitong panahon ng taong darating; at narito't si Sara na iyong asawa ay magkakaanak ng isang lalake. At narinig ni Sara sa pintuan ng tolda, na nasa likod niya. 11 Si Abraham at si Sara nga'y matatanda na, at lipas na sa panahon; at tinigilan na si Sara ng kaugalian ng mga babae. 12 At nagtawa si Sara sa kaniyang sarili, na sinasabi, Pagkatapos na ako'y tumanda ay magtatamo ako ng kaligayahan, at matanda na rin pati ng panginoon ko? 13 At sinabi ng Panginoon kay Abraham, Bakit tumawa si Sara, na sinasabi, Tunay kayang ako'y manganganak, na matanda na ako? 14 May anomang bagay kayang napakahirap sa Panginoon? Sa tadhanang panahon ay babalik ako sa iyo, sa taong darating, at si Sara ay magkakaanak ng isang lalake. 15 Nang magkagayo'y nagkaila si Sara, na sinasabi, Hindi ako tumawa, sapagka't siya'y natakot. Nguni't sinabi niya, Hindi gayon; kundi ikaw ay tumawa.

16 At nangagtindig doon ang mga lalake, at nangagsitingin sa dakong Sodoma; at sinamahan sila ni Abraham, upang ihatid sila sa daan. 17 At sinabi ng Panginoon, Ililihim ko ba kay Abraham ang aking gagawin; 18 Dangang si Abraham ay tunay na magiging isang bansang malaki at matibay, at pagpapalain sa kaniya ang lahat ng bansa sa lupa? 19 Sapagka't siya'y aking kinilala, upang siya'y magutos sa kaniyang mga anak at sa kaniyang sangbahayan pagkamatay niya, na maingatan nila ang daan ng Panginoon, na gumawa ng kabanalan, at kahatulan; upang padatnin ng Panginoon, kay Abraham ang kaniyang ipinangako tungkol sa kaniya. 20 At sinabi ng Panginoon, Sapagka't ang sigaw ng Sodoma at Gomorra ay malakas, at sapagka't ang kasalanan nila ay napakalubha; 21 Ay bababa ako ngayon at titingnan ko kung ginawa nga ang ayon sa sigaw na dumarating hanggang sa akin; at kung hindi ay aking malalaman.

Next Book Next Book