6 At ang pitong anghel na may pitong pakakak ay nagsihanda upang magsihihip.
7 At humihip ang una, at nagkaroon ng granizo at apoy, na may halong dugo, at itinapon sa lupa: at ang ikatlong bahagi ng lupa ay nasunog, at ang ikatlong bahagi ng mga punong kahoy ay nasunog, at ang lahat ng sariwang damo ay nasunog.
8 At humihip ang ikalawang anghel, at ang tulad sa isang malaking bundok na nagliliyab sa apoy ay nabulusok sa dagat: at ang ikatlong bahagi ng dagat ay naging dugo; 9 At namatay ang ikatlong bahagi ng mga nilalang na nasa dagat, na mga may buhay; at ang ikatlong bahagi sa mga daong ay nawalat.
10 At humihip ang ikatlong anghel, at nahulog mula sa langit ang isang malaking bituin, na nagliliyab na gaya ng isang sulo, at nahulog sa ikatlong bahagi ng mga ilog, at sa mga bukal ng tubig; 11 At ang pangalan ng bituin ay Ajenjo: at ang ikatlong bahagi ng tubig ay naging ajenjo; at maraming tao ay nangamatay dahil sa tubig, sapagka't mapait ang tubig.
12 At humihip ang ikaapat na anghel, at nasugatan ang ikatlong bahagi ng araw, at ang ikatlong bahagi ng buwan, at ang ikatlong bahagi ng bituin; upang magdilim ang ikatlong bahagi nila, at upang ang ikatlong bahagi ng maghapon ay huwag lumiwanag, at gayon din naman ang gabi.
13 At nakita ko, at narinig ko ang isang anghel, na lumilipad sa pagitan ng langit, na nagsasabi ng malakas na tinig, Sa aba, sa aba, sa aba ng mga nananahan sa ibabaw ng lupa, dahil sa mga ibang tunog ng pakakak ng tatlong anghel, na magsisihihip pa.
1 At humihip ang ikalimang anghel, at nakita ko ang isang bituin na nahulog sa lupa mula sa langit: at sa kaniya'y ibinigay ang susi ng hukay ng kalaliman. 2 At binuksan niya ang balon ng kalaliman; at napailanglang ang usok mula sa hukay, na gaya ng usok ng isang malaking lutuang-bakal; at nagdilim ang araw at ang himpapawid dahil sa usok ng hukay. 3 At nangagsilabas sa usok ang mga balang sa lupa; at binigyan sila ng kapangyarihan, na gaya ng mga alakdan sa lupa na may kapangyarihan. 4 At sinabi sa kanila na huwag ipahamak ang damo sa lupa, ni ang anomang bagay na sariwa, ni ang anomang punong kahoy, kundi ang mga tao lamang na walang tatak ng Dios sa kanilang mga noo. 5 At pinagkalooban silang huwag patayin ang mga ito, kundi pahirapan nilang limang buwan: at ang kanilang pahirap ay gaya ng pahirap ng alakdan kung kumakagat sa isang tao. 6 At sa mga araw na yaon ay hahanapin ng mga tao ang kamatayan, at sa anomang paraa'y hindi nila masusumpungan; at mangagnanasang mamatay, at ang kamatayan ay tatakas sa kanila.
7 At ang anyo ng mga balang ay katulad ng mga kabayong nahahanda sa pagbabaka; at sa kanilang mga ulo ay gaya ng mga putong na katulad ng ginto, at ang kanilang mga mukha ay gaya ng mga mukha ng mga tao. 8 At sila'y may buhok na gaya ng buhok ng mga babae, at ang kanilang mga ngipin ay gaya ng sa mga leon. 9 At sila'y may mga baluti, na gaya ng baluting bakal; at ang ugong ng kanilang mga pakpak ay gaya ng ugong ng mga karro, at ng maraming kabayo na dumadaluhong sa pagbabaka. 10 At sila'y may mga buntot na gaya ng sa mga alakdan, at mga tibo; at sa kanilang mga buntot naroroon ang kanilang kapangyarihan upang ipahamak ang mga taong limang buwan. 11 Sila'y may pinakahari na anghel ng kalaliman: ang kaniyang pangalan sa wikang Hebreo ay Abaddon, at sa Griego ay may pangalan siyang Apolyon.
12 Ang unang Pagkaaba ay nakaraan na: narito, darating pa ang dalawang Pagkaaba sa haharapin.
13 At humihip ang ikaanim na anghel, at narinig ko ang isang tinig mula sa mga sungay ng dambanang ginto na nasa harapan ng Dios, 14 Na nagsasabi sa ikaanim na anghel na may pakakak, Kalagan mo ang apat na anghel na nagagapos sa malaking ilog ng Eufrates. 15 At kinalagan ang apat na anghel, na nangahahanda sa oras at araw at buwan at taon upang patayin ang ikatlong bahagi ng mga tao. 16 At ang bilang ng mga hukbong nangangabayo ay makalawang sangpunglibong tigsasangpung libo: aking narinig ang bilang nila. 17 At nakita kong sa pangitain ang mga kabayo, at ang mga nakasakay dito, na may mga baluting gaya ng apoy at ng jacinto at ng asupre: at ang mga ulo ng mga kabayo ay gaya ng mga ulo ng mga leon; at sa kanilang mga bibig ay lumalabas ang apoy at usok at asupre. 18 Sa pamamagitan ng tatlong salot na ito ay napatay ang ikatlong bahagi ng mga tao, sa pamamagitan ng apoy at ng usok at ng asupre, na nangagsisilabas sa kanilang mga bibig. 19 Sapagka't ang kapangyarihan ng mga kabayo ay nasa kanilang bibig, at nasa kanilang mga buntot; sapagka't ang kanilang mga buntot ay kawangis ng mga ahas, at may mga ulo; at siya nilang ipinananakit.
20 At ang nalabi sa mga tao, na hindi napatay sa mga salot na ito, ay hindi nagsipagsisi sa mga gawa ng kanilang mga kamay, upang huwag sumamba sa mga demonio, at sa mga diosdiosang ginto, at pilak, at tanso, at bato, at kahoy; na hindi nangakakakita, ni nangakaririnig man, ni nangakalalakad man. 21 At sila'y hindi nagsipagsisi sa kanilang mga pagpatay, kahit man sa kanilang panggagaway, kahit man sa kanilang pakikiapid, kahit man sa kanilang pagnanakaw.