11 Sapagka't ito ang pasabing inyong narinig buhat ng pasimula, na mangagibigan tayo sa isa't isa: 12 Hindi gaya ni Cain na siya'y sa masama, at pinatay ang kaniyang kapatid. At bakit niya pinatay? Sapagka't ang kaniyang mga gawa ay masasama, at ang mga gawa ng kaniyang kapatid ay matuwid. 13 Huwag kayong mangagtaka, mga kapatid, kung kayo'y kinapopootan ng sanglibutan. 14 Nalalaman nating tayo'y nangalipat na sa buhay mula sa kamatayan, sapagka't tayo'y nagsisiibig sa mga kapatid. Ang hindi umiibig ay nananahan sa kamatayan. 15 Ang sinomang napopoot sa kaniyang kapatid ay mamamatay-tao: at nalalaman ninyong sinomang mamamatay-tao ay hindi pinananahanan ng buhay na walang hanggan.
16 Dito'y nakikilala natin ang pagibig, sapagka't kaniyang ibinigay ang kaniyang buhay dahil sa atin; at nararapat nating ibigay ang ating mga buhay dahil sa mga kapatid. 17 Datapuwa't ang sinomang mayroong mga pag-aari sa sanglibutang ito, at nakikita ang kaniyang kapatid na nangangailangan, at doo'y ipagkait ang kaniyang awa, paanong mananahan ang pagibig ng Dios sa kaniya? 18 Mumunti kong mga anak, huwag tayong magsiibig ng salita, ni ng dila man; kundi ng gawa at katotohanan.
19 Dito'y makikilala nating tayo'y sa katotohanan, at papapanatagin natin ang ating mga puso sa harapan niya. 20 Sapagka't kung hinahatulan tayo ng ating puso, ang Dios ay lalong dakila kay sa ating puso, at nalalaman niya ang lahat ng mga bagay. 21 Mga minamahal, kung tayo'y hindi hinahatulan ng ating puso, ay may pagkakatiwala tayo sa Dios; 22 At anomang ating hingin ay tinatanggap natin sa kaniya, sapagka't tinutupad natin ang kaniyang mga utos at ginagawa natin ang mga bagay na kalugodlugod sa kaniyang paningin. 23 At ito ang kaniyang utos, na manampalataya tayo sa pangalan ng kaniyang Anak na si Jesucristo, at tayo'y mangagibigan, ayon sa ibinigay niyang utos sa atin. 24 At ang tumutupad ng kaniyang mga utos ay mananahan sa kaniya, at siya ay sa kaniya. At dito'y nakikilala natin na siya'y nananahan sa atin, sa pamamagitan ng Espiritu na kaniyang ibinigay sa atin.