28 At ngayon, mumunti kong mga anak, manahan kayo sa kaniya; upang, kung siya'y mahayag, ay magkaroon kayo ng pagkakatiwala, at huwag tayong mangapahiya sa harapan niya sa kaniyang pagparito. 29 Kung nalalaman ninyong siya'y matuwid, nalalaman naman ninyo na ang bawa't gumagawa ng katuwiran ay ipinanganak niya.
1 Masdan ninyo kung gaanong pagibig ang ipinagkaloob sa atin ng Ama, upang tayo'y mangatawag na mga anak ng Dios; at tayo'y gayon nga. Dahil dito'y hindi tayo nakikilala ng sanglibutan, sapagka't siya'y hindi nakilala nito. 2 Mga minamahal, ngayon ay mga anak tayo ng Dios, at hindi pa nahahayag kung magiging ano tayo. Nalalaman natin, na kung siya'y mahayag, tayo'y magiging katulad niya: sapagka't siya'y ating makikitang gaya ng kaniyang sarili. 3 At sinomang mayroon ng pagasang ito sa kaniya ay naglilinis sa kaniyang sarili, gaya naman niyang malinis.
4 Ang sinomang gumagawa ng kasalanan ay sumasalangsang din naman sa kautusan: at ang kasalanan ay ang pagsalangsang sa kautusan. 5 At nalalaman ninyo na siya'y nahayag upang magalis ng mga kasalanan; at sa kaniya'y walang kasalanan. 6 Ang sinomang nananahan sa kaniya ay hindi nagkakasala; sinomang nagkakasala ay hindi nakakita sa kaniya, ni hindi man nakakilala sa kaniya. 7 Mumunti kong mga anak, huwag kayong padaya kanino man: ang gumagawa ng katuwiran ay matuwid, gaya niya na matuwid: 8 Ang gumagawa ng kasalanan ay sa diablo; sapagka't buhat pa nang pasimula ay nagkakasala ang diablo. Sa bagay na ito'y nahayag ang Anak ng Dios, upang iwasak ang mga gawa ng diablo. 9 Ang sinomang ipinanganak ng Dios ay hindi nagkakasala, sapagka't ang kaniyang binhi ay nananahan sa kaniya: at siya'y hindi maaaring magkasala, sapagka't siya'y ipinanganak ng Dios. 10 Dito nahahayag ang mga anak ng Dios, at ang mga anak ng diablo: ang sinomang hindi gumagawa ng katuwiran ay hindi sa Dios, ni ang hindi umiibig sa kaniyang kapatid.