11 Ngayon kung may kasakdalan nga sa pamamagitan ng pagkasaserdote ng mga Levita (sapagka't sa ilalim nito ay tinanggap ng bayan ang kautusan), anong kailangan pa na magbangon ang ibang saserdote, ayon sa pagkasaserdote ni Melquisedec at hindi ibilang ayon sa pagkasaserdote ni Aaron? 12 Sapagka't nang palitan ang pagkasaserdote ay kinailangang palitan naman ang kautusan. 13 Sapagka't yaong tungkol sa kaniya ay sinasabi ang mga bagay na ito ay naukol sa ibang angkan, na doon ang sinoma'y hindi naglilingkod sa dambana. 14 Sapagka't maliwanag na ang ating Panginoon ay lumitaw mula kay Juda; na tungkol sa angkang yao'y walang sinalitang anoman si Moises hinggil sa mga saserdote.
15 At lalo pang napakaliwanag ito, kung ayon sa anyo ni Melquisedec ay lumitaw ang ibang saserdote, 16 Na ginawa, hindi ayon sa kautusan ng utos na ukol sa laman, kundi ayon sa kapangyarihan ng isang buhay na walang katapusan:
17 Sapagka't pinatotohanan tungkol sa kaniya, Ikaw ay saserdote magpakailan man Ayon sa pagkasaserdote ni Melquisedec.
18 Sapagka't napapawi ang unang utos dahil sa kaniyang kahinaan at kawalan ng kapakinabangan. 19 (Sapagka't ang kautusan ay walang anomang pinasasakdal), at may pagpapasok ng isang pagasang lalong magaling, na sa pamamagitan nito ay nagsisilapit tayo sa Dios.
20 At yamang yao'y hindi naging sa walang sumpa:
21 (Sapagka't sila'y sa katotohanan ay ginawang mga saserdote na walang sumpa; datapuwa't siya'y may sumpa sa pamamagitan niyaong nagsasabi tungkol sa kaniya, Sumumpa ang Panginoon at hindi siya nagsisisi, Ikaw ay saserdote magpakailan man);
22 Ay gayon din naman si Jesus ay naging tagapanagot sa lalong mabuting tipan.
23 At katotohanang sila'y marami sa bilang na naging mga saserdote, sapagka't dahil sa kamatayan ay napigil sila ng pagpapatuloy: 24 Datapuwa't siya, sapagka't namamalagi magpakailan man ay may pagkasaserdote siyang di mapapalitan. 25 Dahil dito naman siya'y nakapagliligtas na lubos sa mga nagsisilapit sa Dios sa pamamagitan niya, palibhasa'y laging nabubuhay siya upang mamagitan sa kanila.
26 Sapagka't nararapat sa atin ang gayong dakilang saserdoteng banal, walang sala, walang dungis, nahihiwalay sa mga makasalanan, at ginawang lalong mataas pa kay sa mga langit; 27 Na hindi nangangailangan araw-araw na maghandog ng hain, na gaya niyaong mga dakilang saserdote una-una'y patungkol sa kaniyang sariling mga kasalanan at saka patungkol sa mga kasalanan ng bayan: sapagka't ito'y ginawa niyang minsan magpakailan man, nang kaniyang ihandog ang kaniyang sarili. 28 Sapagka't inilagay ng kautusan na mga dakilang saserdote ang mga taong may kahinaan; nguni't ang salita ng sumpa na kasunod ng kautusan ay siyang naglalagay sa Anak, na sakdal magpakailan man.