1 Sapagka't itong si Melquisedec, hari sa Salem, saserdote ng Kataastaasang Dios, na siyang sumalubong kay Abraham sa pagbabalik na galing sa paglipol sa mga hari at siya'y pinagpala niya, 2 Na siya namang binahagihan ni Abraham ng ikasangpung bahagi ng lahat (na kung sasaysayin, una-una, siya'y Hari ng katuwiran, at saka Hari naman sa Salem, na sa makatuwid, ay Hari ng kapayapaan; 3 Na walang ama, walang ina, walang tandaan ng lahi, at walang pasimula ng mga araw ni katapusan ng buhay man, datapuwa't naging katulad ng Anak ng Dios), ay nanatiling saserdote magpakailan man.
4 Nilaynilayin nga ninyo kung gaano ang kadakilaan ng taong ito, na binigyan ni Abraham, na patriarka, ng ikasangpung bahagi ng mga pinakamagagaling na samsam. 5 At katotohanan ang mga sa anak ni Levi na nagsisitanggap ng katungkulang saserdote, ay mayroong utos na kumuha ng ikasangpung bahagi sa bayan ayon sa kautusan, sa makatuwid ay sa kanilang mga kapatid, bagama't ang mga ito ay nagsilabas sa mga balakang ni Abraham: 6 Nguni't yaong ang talaan ng lahi ay hindi ibinibilang sa kanila ay kumuha ng ikasangpung bahagi kay Abraham, at pinagpala yaong may mga pangako. 7 Datapuwa't walang anomang pagtatalo ang mababa ay pinagpapala ng mataas. 8 At dito'y ang mga taong may kamatayan ay tumatanggap ng ikasangpung bahagi; datapuwa't doon ay ang isa, na pinatutunayang nabubuhay. 9 At sa makatuwid baga'y sa pamamagitan ni Abraham pati si Levi, na tumatanggap ng ikasangpung bahagi, ay nagbayad ng ikasangpung bahagi; 10 Sapagka't siya'y nasa mga balakang pa ng kaniyang ama, nang ito'y salubungin ni Melquisedec.