Elders Appointed to Aid Moses

Numbers 11

16 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Pisanin mo sa akin ang pitong pung lalake sa mga matanda sa Israel, sa iyong mga nalalaman na mga matanda sa bayan at mga nangungulo sa kanila; at dalhin mo sa tabernakulo ng kapisanan, upang sila'y makatayo roon na kasama mo. 17 At ako'y bababa at makikipag-usap sa iyo doon; at ako'y kukuha sa Espiritung sumasaiyo at aking isasalin sa kanila; at kanilang dadalhin ang pasan ng bayan na kasama mo, upang huwag mong dalhing magisa. 18 At sabihin mo sa bayan, Magpakabanal kayo, para sa kinabukasan, at kayo'y magsisikain ng karne: sapagka't kayo'y nagsisiiyak sa pakinig ng Panginoon, na sinasabi, Sinong magbibigay sa amin ng karne na aming makakain? sapagka't maigi kahit nang nasa Egipto: dahil dito bibigyan kayo ng Panginoon ng karne at kakain kayo. 19 Hindi ninyo kakaning isang araw, ni dalawang araw, ni limang araw, ni sangpung araw, ni dalawang pung araw; 20 Kundi isang buong buwan, hanggang sa lumabas sa inyong mga ilong, at inyong kasuyaan: sapagka't inyong itinakuwil ang Panginoon na nasa gitna ninyo, at kayo'y umiyak sa harap niya, na nagsasabi, Bakit kami nakaalis sa Egipto? 21 At sinabi ni Moises, Ang bayan na kinaroroonan ko, ay anim na raang libong katao na nakatayo; at iyong sinabi, Akin silang bibigyan ng karne na kanilang makakain sa buong buwan. 22 Papatayin ba kaya ang mga kawan at mga bakahan, upang magkasya sa kanila? o ang lahat ng isda sa dagat at titipunin sa kanila upang magkasya sa kanila? 23 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Umikli na ba kaya ang kamay ng Panginoon? ngayo'y makikita mo kung ang aking salita ay matutupad sa iyo o hindi.

24 At si Moises ay lumabas, at isinaysay sa bayan ang mga salita ng Panginoon: at siya'y nagpisan ng pitong pung lalake sa mga matanda sa bayan at kaniyang pinatayo sa palibot ng Tolda. 25 At ang Panginoon ay bumaba sa ulap, at nagsalita sa kaniya; at kumuha sa Espiritung sumasakaniya at isinalin sa pitong pung matanda: at nangyari, na nang sumakanila ang Espiritu, ay nanganghula, nguni't hindi na sila umulit.

26 Nguni't naiwan ang dalawang lalake sa kampamento, na ang pangalan ng isa ay Eldad, at ang pangalan ng isa ay Medad: at ang Espiritu ay sumasakanila; at sila'y kabilang sa nangasulat, nguni't hindi nagsilabas sa Tolda: at sila'y nanghula sa kampamento. 27 At tumakbo ang isang binata, at isinaysay kay Moises, at sinabi, Si Eldad at si Medad ay nanghuhula sa kampamento. 28 At si Josue na anak ni Nun, na tagapangasiwa ni Moises, na isa sa kaniyang mga piling lalake, ay sumagot at nagsabi, Panginoon kong Moises, pagbawalan mo sila. 29 At sinabi ni Moises sa kaniya, Ikaw ba'y may paninibugho sa akin? ibigin nawa na ang buong bayan ng Panginoon ay maging propeta na isakanila ng Panginoon ang kaniyang Espiritu! 30 At naparoon si Moises sa kampamento, siya at ang mga matanda sa Israel.

Next Book Next Book