1 Ngayon aming ipinamamanhik sa inyo, mga kapatid, tungkol sa pagparito ng ating Panginoong Jesucristo, at sa ating pagkakatipon sa kaniya: 2 Upang huwag kayong madaling makilos sa inyong pagiisip, at huwag din naman kayong mabagabag maging sa pamamagitan man ng espiritu, o sa pamamagitan ng salita, o sa pamamagitan ng sulat na waring mula sa amin, na wari bagang nalalapit na ang kaarawan ng Panginoon; 3 Huwag kayong padaya kanino man sa anomang paraan: sapagka't ito'y hindi darating, maliban nang dumating mula ang pagtaliwakas, at mahayag ang taong makasalanan, ang anak ng kapahamakan, 4 Na sumasalangsang at nagmamataas laban sa lahat na tinatawag na Dios o sinasamba; ano pa't siya'y nauupo sa templo ng Dios, na siya'y nagtatanyag sa kaniyang sarili na tulad sa Dios. 5 Hindi baga ninyo naaalaala nang ako'y kasama ninyo pa, ay sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito? 6 At ngayo'y nalalaman ninyo ang nakapipigil, upang siya'y mahayag sa kaniyang talagang kapanahunan. 7 Sapagka't ang hiwaga ng kasamaan ay gumagawa na: lamang ay may pumipigil ngayon, hanggang sa alisin ito. 8 At kung magkagayo'y mahahayag ang tampalasan, na papatayin ng Panginoong Jesus ng hininga ng kaniyang bibig, at sa pamamagitan ng pagkahayag ng kaniyang pagparito ay lilipulin; 9 Siya, na ang kaniyang pagparito ay ayon sa paggawa ni Satanas na may buong kapangyarihan at mga tanda at mga kahangahangang kasinungalingan, 10 At may buong daya ng kalikuan sa nangapapahamak; sapagka't hindi nila tinanggap ang pagibig sa katotohanan, upang sila'y mangaligtas. 11 At dahil dito'y ipinadadala sa kanila ng Dios ang paggawa ng kamalian, upang magsipaniwala sila sa kasinungalingan: 12 Upang mangahatulan silang lahat na hindi nagsisampalataya sa katotohanan, kundi nangalugod sa kalikuan.