10 Datapuwa't ako'y totoong nagagalak sa Panginoon, na ngayon sa kahulihulihan ay inyong binuhay ang inyong pagmamalasakit sa akin; na dito'y katotohanang nangagkaroon kayo ng malasakit, nguni't kayo'y nagkulang ng mabuting pagkakataon. 11 Hindi sa sinasabi ko ang tungkol sa kailangan: sapagka't aking natutuhan ang masiyahan sa anomang kalagayang aking kinaroroonan. 12 Marunong akong magpakababa, at marunong naman akong magpakasagana: sa bawa't bagay at sa lahat ng bagay ay natutuhan ko ang lihim maging sa kabusugan, at maging sa kagutuman, at maging sa kasaganaan at maging sa kasalatan. 13 Lahat ng mga bagay ay aking magagawa doon sa nagpapalakas sa akin.
14 Gayon man ay mabuti ang inyong ginawa na kayo'y nakiramay sa aking kapighatian. 15 At kayo mga taga Filipos, nalalaman naman ninyo, na nang pasimulan ang evangelio, nang ako'y umalis sa Macedonia, alin mang iglesia ay walang nakipagkaisa sa akin sa pagkakaloob at pagtanggap kundi kayo lamang; 16 Sapagka't sa Tesalonica ay nagpadala kayong minsan at muli para sa aking kailangan. 17 Hindi sa ako'y naghahanap ng kaloob; kundi hinahanap ko ang bunga na dumadami sa ganang inyo. 18 Datapuwa't mayroon ako ng lahat ng bagay, at sumasagana: ako'y busog, palibhasa'y tumanggap kay Epafrodito ng mga bagay na galing sa inyo, na isang samyo ng masarap na amoy, isang handog na kaayaaya, na lubhang nakalulugod sa Dios. 19 At pupunan ng aking Dios ang bawa't kailangan ninyo ayon sa kaniyang mga kayamanan sa kaluwalhatian kay Cristo Jesus. 20 Ngayon nawa'y suma ating Dios at Ama ang kaluwalhatian magpakailan man. Siya nawa.