1 Kaya nga kung mayroong anomang kasiglahan kay Cristo, kung mayroong anomang kaaliwan ng pagibig, kung mayroong anomang pakikisama ng Espiritu, kung mayroong anomang mahinahong awa at habag, 2 Ay lubusin ninyo ang aking katuwaan, upang kayo'y mangagkaisa ng pagiisip, mangagtaglay ng isa ring pagibig, na mangagkaisa ng akala, at isa lamang pagiisip; 3 Na huwag ninyong gawin ang anoman sa pamamagitan ng pagkakampikampi o sa pamamagitan ng pagpapalalo, kundi sa kababaan ng pagiisip, na ipalagay ng bawa't isa ang iba na lalong mabuti kay sa kaniyang sarili; 4 Huwag tingnan ng bawa't isa sa inyo ang sa kaniyang sarili, kundi ang bawa't isa naman ay sa iba't iba. 5 Mangagkaroon kayo sa inyo ng pagiisip, na ito'y na kay Cristo Jesus din naman: 6 Na siya, bagama't nasa anyong Dios, ay hindi niya inaring isang bagay na nararapat panangnan ang pagkapantay niya sa Dios, 7 Kundi bagkus hinubad niya ito, at naganyong alipin, na nakitulad sa mga tao: 8 At palibhasa'y nasumpungan sa anyong tao, siya'y nagpakababa sa kaniyang sarili, na nagmasunurin hanggang sa kamatayan, oo, sa kamatayan sa krus. 9 Kaya siya naman ay pinakadakila ng Dios, at siya'y binigyan ng pangalang lalo sa lahat ng pangalan; 10 Upang sa pangalan ni Jesus ay iluhod ang lahat ng tuhod, ng nangasa langit, at ng nangasa ibabaw ng lupa, at ng nangasa ilalim ng lupa, 11 At upang ipahayag ng lahat ng mga dila na si Jesucristo ay Panginoon, sa ikaluluwalhati ng Dios Ama.