18 Ano nga? gayon man, sa lahat ng paraan, maging sa pagdadahilan o sa katotohanan, ay itinatanyag si Cristo; at sa ganito'y nagagalak ako, oo, at ako'y magagalak. 19 Sapagka't nalalaman ko na ang kahihinatnan nito'y sa aking ikaliligtas, sa pamamagitan ng inyong pananaing at kapuspusan ng Espiritu ni Cristo, 20 Ayon sa aking maningas na paghihintay at pagasa, na, sa anoma'y hindi ako mapapahiya, kundi sa buong katapangan, na gaya ng dati, gayon din naman ngayon, ay dadakilain si Cristo sa aking katawan, maging sa pamamagitan ng kabuhayan, o sa pamamagitan ng kamatayan. 21 Sapagka't sa ganang akin ang mabuhay ay si Cristo, at ang mamatay ay pakinabang. 22 Nguni't kung ang mabuhay sa laman ay siya kong palad, ito'y magiging mabungang pagpapagal, na aywan ko nga kung ano ang aking pipiliin. 23 Sapagka't ako'y nagigipit sa magkabila, akong may nasang umalis at suma kay Cristo; sapagka't ito'y lalong mabuti: 24 Gayon ma'y ang manatili sa laman ay siyang lalong kinakailangan dahil sa inyo. 25 At sa pagkakatiwalang ito, ay aking nalalaman na ako'y mananatili, oo, at mananatili ako na kasama ninyong lahat, sa ikasusulong ninyo at ikagagalak sa pananampalataya; 26 Upang managana ang inyong pagmamapuri kay Cristo Jesus sa akin sa pamamagitan ng aking pagharap na muli sa inyo.
27 Ang inyo lamang pamumuhay ay maging karapatdapat sa evangelio ni Cristo: upang, maging ako ay dumating at kayo'y makita, o wala man sa harap ninyo, ay mabalitaan ko ang inyong kalagayan, na kayo'y matitibay sa isang espiritu, na kayo'y mangagkaisa ng kaluluwa na nangagsisikap sa pananampalataya sa evangelio; 28 At sa anoman ay huwag kayong mangatakot sa mga kaaway: na ito sa kanila ay malinaw na tanda ng kapahamakan, datapuwa't tanda ng inyong pagkaligtas, at ito'y mula sa Dios; 29 Sapagka't sa inyo'y ipinagkaloob alangalang kay Cristo, hindi lamang upang manampalataya sa kaniya, kundi upang magtiis din naman alangalang sa kaniya: 30 Yamang taglay ninyo ang pakikipagbuno na inyong nakita rin sa akin, at ngayo'y nababalitaan ninyong taglay ko.