1 Nang makaraan nga ang labingapat na taon ay umahon akong muli sa Jerusalem na kasama si Bernabe, at isinama ko rin naman si Tito. 2 At ako'y umahon dahil sa pahayag; at isinaysay ko sa harapan nila ang evangelio na aking ipinangangaral sa gitna ng mga Gentil, datapuwa't sa harapan ng mga may dangal ay sa lihim, baka sa anomang paraan ako'y tatakbo, o tumakbo, ng walang kabuluhan. 3 Datapuwa't maging si Tito man na kasama ko, bagama't Griego, ay hindi napilit na patuli. 4 At yaon ay dahil sa mga hindi tunay na kapatid na ipinasok ng lihim, na nagsipasok ng lihim upang tiktikan ang aming kalayaan na taglay namin kay Cristo Jesus, upang kami'y ilagay nila sa pagkaalipin: 5 Sa mga yaon ay hindi kami napahinuhod na supilin kami, kahit isang oras; upang ang katotohanan ng evangelio ay manatili sa inyo. 6 Datapuwa't ang mga wari'y may dangal ng kaunti (maging anoman sila, ay walang anoman sa akin: ang Dios ay hindi tumatanggap ng anyo ninoman) silang may dangal, sinasabi ko, ay hindi nagbahagi sa akin ng anoman: 7 Kundi bagkus nang makita nila na sa akin ay ipinagkatiwala ang evangelio ng di-pagtutuli, gaya rin naman ng pagkakatiwala kay Pedro ng evangelio ng pagtutuli; 8 (Sapagka't ang naghanda kay Pedro sa pagkaapostol sa pagtutuli ay naghanda rin naman sa akin sa pagkaapostol sa mga Gentil); 9 At nang makita nila ang biyayang sa akin ay ipinagkaloob, ang mga kanang kamay ng pakikisama ay ibinigay sa akin at kay Bernabe ni Santiago at ni Cefas at ni Juan, sila na mga inaaring haligi, upang kami ay magsiparoon sa mga Gentil, at sila'y sa pagtutuli; 10 Ang kanila lamang hinihiling ay aming alalahanin ang mga dukha; na ang bagay ring ito'y aking pinagsisikapan gawain.