17 Datapuwa't sa pagtatagubilin sa inyo nito, ay hindi ko kayo pinupuri, sapagka't kayo'y nangagkakatipon hindi sa lalong mabuti kundi sa lalong masama. 18 Sapagka't unauna'y nababalitaan ko na kung nangagkakatipon kayo sa iglesia, ay mayroon sa inyong mga pagkakabahabahagi; at may kaunting paniniwala ako. 19 Sapagka't tunay na sa inyo'y mayroong mga hidwang pananampalataya, upang yaong mga napatunayan na ay mangahayag sa inyo. 20 Kung kayo nga ay nangagkakatipon, ay hindi kayo maaaring magsikain ng hapunan ng Panginoon; 21 Sapagka't sa inyong pagkain, ang bawa't isa'y kumukuha ng kanikaniyang sariling hapunan na nagpapauna sa iba; at ang isa ay gutom, at ang iba'y lasing. 22 Ano, wala baga kayong mga bahay na inyong makakanan at maiinuman? o niwawalang halaga ninyo ang iglesia ng Dios, at hinihiya ninyo ang mga wala ng anoman? Ano ang aking sasabihin sa inyo? Kayo baga'y aking pupurihin? Sa bagay na ito ay hindi ko kayo pinupuri.
23 Sapagka't tinanggap ko sa Panginoon ang ibinibigay ko naman sa inyo; na ang Panginoong Jesus nang gabing siya'y ipagkanulo ay dumampot ng tinapay; 24 At nang siya'y makapagpasalamat, ay kaniyang pinagputolputol, at sinabi, Ito'y aking katawan na pinagputolputol dahil sa inyo: gawin ninyo ito sa pagaalaala sa akin. 25 At gayon din naman hinawakan ang saro pagkatapos na makahapon, na sinasabi, Ang sarong ito'y siyang bagong tipan sa aking dugo: gawin ninyo ito sa tuwing kayo'y magsisiinom, sa pagaalaala sa akin. 26 Sapagka't sa tuwing kanin ninyo ang tinapay na ito, at inuman ninyo ang saro, ay inihahayag ninyo ang pagkamatay ng Panginoon hanggang sa dumating siya.
27 Kaya't ang sinomang kumain ng tinapay, o uminom sa saro ng Panginoon, na di nararapat, ay magkakasala sa katawan at dugo ng Panginoon. 28 Datapuwa't siyasatin ng tao ang kaniyang sarili, at saka kumain ng tinapay, at uminom sa saro. 29 Sapagka't ang kumakain at umiinom, ay kumakain at umiinom ng hatol sa kaniyang sarili, kung hindi niya kinikilala ang katawan ng Panginoon. 30 Dahil dito'y marami sa inyo ang mahihina at mga masasaktin, at hindi kakaunti ang nangatutulog. 31 Datapuwa't kung ating kilalanin ang ating sarili, ay hindi tayo hahatulan. 32 Datapuwa't kung tayo'y hinahatulan, ay pinarurusahan tayo ng Panginoon, upang huwag tayong mahatulang kasama ng sanglibutan.
33 Dahil dito, mga kapatid ko, kung kayo'y mangagsasalosalo sa pagkain, ay mangaghintayan kayo. 34 Kung ang sinoman ay magutom, kumain siya sa bahay; upang ang inyong pagsasalosalo ay huwag maging sa paghatol. At ang iba ay aking aayusin pagpariyan ko.