2 Kayo'y aking pinupuri nga, na sa lahat ng mga bagay ay naaalaala ninyo ako, at iniingatan ninyong matibay ang mga turo, na gaya ng ibinigay ko sa inyo. 3 Datapuwa't ibig ko na inyong maalaman, na ang pangulo ng bawa't lalake ay si Cristo, at ang pangulo ng babae ay ang lalake, at ang pangulo ni Cristo ay ang Dios. 4 Ang bawa't lalaking nanalangin, o nanghuhula na may takip ang ulo, ay niwawalan ng puri ang kaniyang ulo. 5 Datapuwa't ang bawa't babaing nananalangin o nanghuhula na walang lambong ang kaniyang ulo, niwawalan ng puri ang kaniyang ulo; sapagka't gaya rin ng kung kaniyang inahitan. 6 Sapagka't kung ang babae ay walang lambong, ay pagupit naman; nguni't kung kahiyahiya sa babae ang pagupit o paahit, ay maglambong siya. 7 Sapagka't katotohanang ang lalake ay hindi dapat maglambong sa kaniyang ulo, palibhasa'y larawan siya at kaluwalhatian ng Dios: nguni't ang babae ay siyang kaluwalhatian ng lalake. 8 Sapagka't ang lalake ay hindi sa babae; kundi ang babae ay sa lalake: 9 Sapagka't hindi nilalang ang lalake dahil sa babae; kundi ang babae dahil sa lalake; 10 Dahil dito'y nararapat na ang babae ay magkaroon sa kaniyang ulo ng tanda ng kapamahalaan, dahil sa mga anghel. 11 Gayon man, ang babae ay di maaaring walang lalake at ang lalake ay di maaaring walang babae, sa Panginoon. 12 Sapagka't kung paanong ang babae ay sa lalake, gayon din naman ang lalake ay sa pamamagitan ng babae; datapuwa't ang lahat ng mga bagay ay sa Dios. 13 Hatulan ninyo sa inyo-inyong sarili: nararapat baga na manalangin ang babae sa Dios nang walang lambong? 14 Hindi baga ang katalagahan din ang nagtuturo sa inyo, na kung may mahabang buhok ang lalake, ay mahalay sa kaniya? 15 Datapuwa't kung ang babae ang may mahabang buhok, ay isang kapurihan niya; sapagka't ang buhok sa kaniya'y ibinigay na pangtakip. 16 Datapuwa't kung tila mapagtunggali ang sinoman, walang gayong ugali kami, ni ang iglesia man ng Dios.