1 Ano nga ang ating sasabihin? Magpapatuloy baga tayo sa pagkakasala upang ang biyaya ay makapanagana? 2 Huwag nawang mangyari. Tayong mga patay na sa pagkakasala, paano nga tayong mabubuhay pa riyan? 3 O hindi baga ninyo nalalaman na tayong lahat na mga nabautismuhan kay Cristo Jesus ay nangabautismuhan sa kaniyang kamatayan? 4 Tayo nga'y nangalibing na kalakip niya sa pamamagitan ng bautismo sa kamatayan: na kung paanong si Cristo ay nabuhay na maguli sa mga patay sa pamamagitan ng kaluwalhatian ng Ama, ay gayon din naman tayo'y makalalakad sa panibagong buhay.
5 Sapagka't kung tayo nga ay naging kalakip niya dahil sa kawangisan ng kaniyang kamatayan, ay magkakagayon din naman tayo dahil sa kawangisan ng kaniyang pagkabuhay na maguli; 6 Na nalalaman natin, na ang ating datihang pagkatao ay kalakip niyang napako sa krus, upang ang katawang salarin ay magiba, at nang sa gayo'y huwag na tayong maalipin pa ng kasalanan; 7 Sapagka't ang namatay ay ligtas na sa kasalanan. 8 Datapuwa't kung tayo'y nangamatay na kalakip ni Cristo, ay naniniwala tayo na mangabubuhay naman tayong kalakip niya; 9 Na nalalaman nating si Cristo na nabuhay na maguli sa mga patay ay hindi na mamamatay; ang kamataya'y hindi naghahari sa kaniya. 10 Sapagka't ang kamatayan na ikinamatay niya, ay kaniyang ikinamatay na minsan sa kasalanan: datapuwa't ang buhay na kaniyang ikinabubuhay, ay kaniyang ikinabubuhay sa Dios. 11 Gayon din naman kayo, ibilang ninyong kayo'y tunay na mga patay na sa kasalanan, nguni't mga buhay sa Dios kay Cristo Jesus.
12 Huwag ngang maghari ang kasalanan sa inyong katawang may kamatayan, upang kayo'y magsisunod sa kaniyang mga pita: 13 At huwag din naman ninyong ihandog ang inyong mga sangkap sa kasalanan na pinaka kasangkapan ng kalikuan; kundi ihandog ninyo ang inyong sarili sa Dios, na tulad sa nangabuhay sa mga patay, at ang inyong mga sangkap na pinaka kasangkapan ng katuwiran sa Dios. 14 Sapagka't ang kasalanan ay hindi makapaghahari sa inyo: sapagka't wala kayo sa ilalim ng kautusan, kundi sa ilalim ng biyaya.