13 Sapagka't hindi sa pamamagitan ng kautusan ginawa ang pangako kay Abraham o sa kaniyang binhi na siyang magmamana ng sanglibutan, kundi sa pamamagitan ng katuwiran ng pananampalataya. 14 Sapagka't kung silang nangasa kautusan ay siyang mga tagapagmana, ay walang kabuluhan ang pananampalataya, at nawawalang kabuluhan ang pangako: 15 Sapagka't ang kautusan ay gumagawa ng galit; datapuwa't kung saan walang kautusan ay wala ring pagsalangsang.
16 Dahil dito'y sa pananampalataya, upang maging ayon sa biyaya; upang ang pangako ay lumagi sa lahat ng binhi; hindi lamang sa nasa kautusan, kundi pati naman sa nasa pananampalataya ni Abraham, na ama nating lahat. 17 (Gaya ng nasusulat, Ginawa kitang ama ng maraming bansa) sa harapan niyaong kaniyang pinanampalatayanan, sa makatuwid baga'y ang Dios, na nagbibigay ng buhay sa mga patay, at tumatawag sa mga bagay na hindi pa hayag na tila hayag na. 18 Siya na sumampalataya na nasa pagasa laban sa pagasa, upang maging ama ng maraming bansa ayon sa sabi, Magiging gayon ang iyong binhi. 19 At hindi humina sa pananampalataya na ipinalagay man ang kaniyang katawang tulad sa patay na (gayon siya'y may mga isang daang taon na), at ang pagkabaog ng bahay-bata ni Sara; 20 Kundi, sa pagtingin niya sa pangako ng Dios, ay hindi nagalinlangan sa pamamagitan ng di pananampalataya, kundi lumakas ng lumakas sa pamamagitan ng pananampalataya, na niluluwalhati ang Dios, 21 At lubos nanalig na ang Dios na nangako ay may kapangyarihang makagawa noon. 22 Dahil dito'y ibinilang naman na katuwiran sa kaniya. 23 Ngayo'y hindi lamang dahil sa kaniya isinulat, na sa kaniya'y ibinilang; 24 Kundi dahil din naman sa atin, na ibibilang sa ating mga nagsisisampalataya sa kaniya na bumuhay na maguli sa mga patay, kay Jesus na ating Panginoon, 25 Na ibinigay dahil sa ating mga kasuwayan, at binuhay na maguli sa ikaaaring-ganap natin.