1 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay dumating ang salita ng Panginoon kay Abram sa pangitain na nagsasabi, Huwag kang matakot, Abram: ako ang iyong kalasag, at ang iyong ganting pala na lubhang dakila. 2 At sinabi ni Abram, Oh Panginoong Dios, anong ibibigay mo sa akin, kung ako'y nabubuhay na walang anak at ang magaari ng aking bahay ay itong taga Damascong si Eliezer? 3 At sinabi ni Abram, Narito, hindi mo ako binigyan ng anak at, narito't isang ipinanganak sa aking bahay ang siyang tagapagmana ko. 4 At, narito, ang salita ng Panginoon ay dumating sa kaniya, na nagsabi, Hindi ang taong ito ang magiging tagapagmana mo; kundi lalabas sa iyong sariling katawan ang magiging tagapagmana mo. 5 At siya'y inilabas at sinabi, Tumingala ka ngayon sa langit, at iyong bilangin ang mga bituin, kung mabibilang mo: at sa kaniya'y sinabi, Magiging ganiyan ang iyong binhi. 6 At sumampalataya siya sa Panginoon; at ito'y ibinilang na katuwiran sa kaniya.
7 At sinabi sa kaniya, Ako ang Panginoon na nagpaalis sa iyo sa Ur ng mga Caldeo, upang ibigay sa iyo ang lupaing ito na manahin mo. 8 At sinabi niya, Oh Panginoong Dios, paanong pagkakilala ko na aking mamanahin? 9 At sinabi sa kaniya, Magdala ka rito sa akin ng isang dumalagang bakang tatlong taon ang gulang, at ng isang babaing kambing na tatlong taon ang gulang, at ng isang lalaking tupang tatlong taon ang gulang, at ng isang inakay na batobato at ng isang inakay na kalapati. 10 At dinala niya ang lahat ng ito sa kaniya, at pinaghati niya sa gitna, at kaniyang pinapagtapattapat ang kalakalahati; datapuwa't hindi hinati ang mga ibon. 11 At binababa ng mga ibong mangdadagit ang mga bangkay, at binubugaw ni Abram.
12 At nang lulubog na ang araw, ay nakatulog si Abram ng mahimbing; at, narito, ang isang kasindaksindak na malaking kadiliman ay sumakaniya. 13 At sinabi ng Dios kay Abram, Tunay na pakatalastasin mo, na ang iyong binhi ay magiging taga ibang bayan sa lupaing hindi kanila, at mangaglilingkod sa mga yaon; at pahihirapang apat na raang taon. 14 At yaon namang bansang kanilang paglilingkuran ay aking hahatulan: at pagkatapos ay aalis silang may malaking pag-aari. 15 Datapuwa't ikaw ay payapang pasa sa iyong mga magulang; at ikaw ay malilibing sa mabuting katandaan. 16 At sa ikaapat na salin ng iyong binhi, ay magsisipagbalik rito: sapagka't hindi pa nalulubos ang katampalasanan ng mga Amorrheo.
17 At nangyari, na paglubog ng araw, at pagdilim, na narito, ang isang hurnong umuusok, at ang isang tanglaw na nagniningas na dumaan sa gitna ng mga hinating hayop. 18 Nang araw na yaon, ang Panginoon ay nakipagtipan kay Abram, na nagsabi, Sa iyong binhi ibinigay ko ang lupaing ito, mula sa ilog ng Egipto hanggang sa malaking ilog, na ilog Eufrates. 19 Ang mga Cineo, at ang mga Ceneceo, at ang mga Cedmoneo, 20 At ang mga Heteo, at ang mga Pherezeo, at ang mga Refaim, 21 At ang mga Amorrheo, at ang mga Cananeo, at ang mga Gergeseo, at ang mga Jebuseo.