1 At nang kami'y mangakatakas na, nang magkagayo'y napagtalastas namin na ang pulo'y tinatawag na Melita. 2 At pinagpakitaan kami ng hindi karaniwang kagandahang-loob ng mga barbaro: sapagka't sila'y nagsiga, at tinanggap kaming lahat, dahil sa ulan niyaon, at dahil sa ginaw. 3 Datapuwa't pagkapagtipon ni Pablo ng isang bigkis na kahoy at mailagay sa apoy, ay lumabas ang isang ulupong dahil sa init, at kumapit sa kaniyang kamay. 4 At nang makita ng mga barbaro ang makamandag na hayop na nakabitin sa kaniyang kamay, ay nagsabi ang isa sa iba, Walang salang mamamatay-tao ang taong ito, na, bagama't siya'y nakatakas sa dagat, gayon ma'y hindi siya pinabayaang mabuhay ng Katarungan. 5 Gayon ma'y ipinagpag niya ang hayop sa apoy, at siya'y hindi nasaktan. 6 Nguni't kanilang hinihintay na siya'y mamaga, o biglang mabuwal na patay: datapuwa't nang maluwat na silang makapaghintay, at makitang walang nangyari sa kaniyang anoman, ay nangagbago sila ng akala, at nangagsabing siya'y isang dios.
7 At sa mga kalapit ng dakong yao'y may mga lupain ang pangulo sa pulong yaon, na nagngangalang Publio; na tumanggap sa amin, at nagkupkop sa aming tatlong araw na may kagandahang-loob. 8 At nangyari, nararatay ang ama ni Publio na may-sakit na lagnat at iti: at pinasok siya ni Pablo, at nanalangin, at nang maipatong sa kaniya ang kaniyang mga kamay ay siya'y pinagaling. 9 At nang magawa na ito, ay nagsiparoon naman ang mga ibang maysakit sa pulo, at pawang pinagaling: 10 Kami nama'y kanilang pinarangalan ng maraming pagpaparangal; at nang magsilayag kami, ay kanilang inilulan sa daong ang mga bagay na kinakailangan namin.