1 At sinabi ni Agripa kay Pablo, Ipinahihintulot sa iyong magsaysay ka sa ganang iyo. Nang magkagayo'y iniunat ni Pablo ang kaniyang kamay, at ginawa ang kaniyang pagsasanggalang:
2 Ikinaliligaya kong lubha, haring Agripa, na sa harapan mo'y gawin ko ang aking pagsasanggalang sa araw na ito tungkol sa lahat ng mga bagay na isinasakdal ng mga Judio laban sa akin. 3 Lalong-lalo na sapagka't bihasa ka sa lahat ng mga kaugalian at mga suliranin na mayroon ang mga Judio: kaya nga ipinamamanhik ko sa iyo na pagdalitaan mong dinggin ako.
4 Ang akin ngang pamumuhay mula sa aking pagkabata, na nang una'y inugali ko sa gitna ng aking bansa at sa Jerusalem, ay nalalaman ng lahat ng mga Judio; 5 Na napagtatalastas nila mula pa nang una, kung ibig nilang magsisaksi, na alinsunod sa lalong mahigpit na sekta ng aming relihion ay nabuhay akong isang Fariseo. 6 At ngayo'y nakatayo ako upang hatulan dahil sa pagasa sa pangakong ginawa ng Dios sa aming mga magulang; 7 Dahil sa pangakong ito'y ang aming labingdalawang angkan ay buong pusong nagsisipaglingkod sa Dios gabi't araw, na inaasahang kakamtin. At tungkol sa pagasang ito ako'y isinasakdal ng mga Judio, Oh hari! 8 Bakit inaakala ninyong ito'y hindi mapaniniwalaan, kung binubuhay ng Dios ang mga patay?
9 Tunay na ako ma'y nagisip na dapat akong gumawa ng maraming mga bagay laban sa pangalan ni Jesus na taga Nazaret. 10 At ginawa ko rin ito sa Jerusalem: at kinulong ko sa mga bilangguan ang marami sa mga banal, pagkatanggap ko ng kapamahalaan sa mga pangulong saserdote, at nang sila'y ipinapapatay, ay ibinibigay ko ang aking pagsangayon laban sa kanila. 11 At madalas sa pagpaparusa ko sa kanila sa lahat ng mga sinagoga, ay pinipilit ko silang magsipamusong; at sa totoong pagkagalit ko sa kanila, ay sila'y pinaguusig ko hanggang sa mga bayan ng ibang lupain.