1 Nang makapasok na nga si Festo sa lalawigan, pagkaraan ng tatlong araw ay umahon sa Jerusalem mula sa Cesarea. 2 At ang mga pangulong saserdote at ang mga maginoo sa mga Judio ay nangagbigay-alam sa kaniya laban kay Pablo; at siya'y kanilang pinamanhikan, 3 Na humihingi ng lingap laban sa kaniya, na siya'y ipahatid sa Jerusalem; na binabakayan upang siya'y mapatay sa daan. 4 Gayon ma'y sumagot si Festo, na si Pablo ay tinatanuran sa Cesarea, at siya'y paroroon sa lalong madaling panahon. 5 Kaya nga, sinabi niya, ang mga may kapangyarihan sa inyo ay magsisamang lumusong sa akin, at kung may anomang pagkakasala ang taong ito, ay isakdal siya nila.
6 At nang siya'y makatira na sa kanila na hihigit sa walo o sangpung araw, ay lumusong siya sa Cesarea: at nang kinabukasa'y lumuklok siya sa hukuman, at ipinaharap sa kaniya si Pablo. 7 At nang siya'y dumating, ay niligid siya ng mga Judio na nagsilusong na galing sa Jerusalem, na may dalang marami at mabibigat na sakdal laban sa kaniya, na pawang hindi nila mapatunayan; 8 Samantalang sinasabi ni Pablo sa kaniyang pagsasanggalang, Laban man sa kautusan ng mga Judio, ni laban sa templo, ni laban kay Cesar, ay hindi ako nagkakasala ng anoman. 9 Datapuwa't si Festo, sa pagkaibig na siya'y kalugdan ng mga Judio, ay sumagot kay Pablo, at nagsabi, Ibig mo bagang umahon sa Jerusalem, at doon ka hatulan sa mga bagay na ito sa harapan ko? 10 Datapuwa't sinabi ni Pablo, Nakatayo ako sa harapan ng hukuman ni Cesar, na doon ako dapat hatulan: wala akong ginawang anomang kasamaan sa mga Judio, gaya rin naman ng pagkatalastas mong mabuti. 11 Kung ako nga'y isang makasalanan, at nakagawa ng anomang bagay na marapat sa kamatayan, ay hindi ako tumatangging mamatay; datapuwa't kung walang katotohanan ang mga bagay na ipinagsasakdal ng mga ito laban sa akin, ay hindi ako maibibigay ninoman sa kanila. Maghahabol ako kay Cesar. 12 Nang magkagayon si Festo, nang makapagpanayam na sa Sanedrin, ay sumagot, Naghabol ka kay Cesar; kay Cesar ka paparoon.