7 At nang unang araw ng sanglinggo, nang kami'y nangagkakapisan upang pagputolputulin ang tinapay, si Pablo ay nangaral sa kanila, na nagaakalang umalis sa kinabukasan; at tumagal ang kaniyang pananalita hanggang sa hatinggabi. 8 At may maraming mga ilaw sa silid sa itaas na pangkatipunan namin. 9 At may nakaupo sa durungawan na isang binatang nagngangalang Eutico, na mahimbing sa pagtulog; at samantalang si Pablo ay nangangaral ng mahaba, palibhasa'y natutulog ay nahulog buhat sa ikatlong grado, at siya'y binuhat na patay. 10 At nanaog si Pablo, at dumapa sa ibabaw niya, at siya'y niyakap na sinabi, Huwag kayong magkagulo; sapagka't nasa kaniya ang kaniyang buhay. 11 At nang siya'y makapanhik na, at mapagputolputol na ang tinapay, at makakain na, at makapagsalita sa kanila ng mahaba, hanggang sa sumikat ang araw, kaya't siya'y umalis. 12 At kanilang dinalang buhay ang binata, at hindi kakaunti ang kanilang pagkaaliw.
13 Datapuwa't kami, na nangauna sa daong, ay nagsilayag na patungong Ason, na doon namin inaakalang ilulan si Pablo: sapagka't gayon ang kaniyang ipinasiya, na ninanasa niyang maglakad. 14 At nang salubungin niya kami sa Ason, siya'y inilulan namin, at nagsiparoon kami sa Mitilene. 15 At pagtulak namin doon, ay sumapit kami nang sumunod na araw sa tapat ng Chio; at nang kinabukasan ay nagsidaong kami sa Samo; at nang kinabukasan ay nagsirating kami sa Mileto. 16 Sapagka't ipinasiya ni Pablo na lampasan ang Efeso, upang huwag na siyang maggugol ng panahon sa Asia; sapagka't siya'y nagmamadali upang kung maaari ay dumating sa Jerusalem sa araw ng Pentecostes.