1 Pagkatapos ng mga bagay na ito'y umalis siya sa Atenas, at napasa Corinto. 2 At nasumpungan niya ang isang Judio na nagngangalang Aquila, isang lalaking tubo sa Ponto, na hindi pa nalalaong nanggagaling sa Italia, kasama ni Priscila na kaniyang asawa, sapagka't ipinagutos ni Claudio na ang lahat ng mga Judio ay magsialis sa Roma: at siya'y lumapit sa kanila; 3 At sapagka't ang hanap-buhay niya'y gaya rin ng kanila, ay nakipanuluyan siya sa kanila, at sila'y nagsigawa: sapagka't ang hanap-buhay nila'y gumawa ng mga tolda. 4 At siya'y nangangatuwiran tuwing sabbath sa sinagoga, at hinihikayat ang mga Judio at ang mga Griego.
5 Datapuwa't nang si Silas at si Timoteo ay magsilusong mula sa Macedonia, si Pablo ay napilitan sa pamamagitan ng salita, na sinasaksihan sa mga Judio na si Jesus ang siyang Cristo. 6 At nang sila'y magsitutol at magsipamusong, ay ipinagpag niya ang kaniyang kasuotan at sa kanila'y sinabi, Ang inyong dugo'y sumainyong sariling mga ulo: ako'y malinis: buhat ngayo'y paparoon ako sa mga Gentil. 7 At siya'y umalis doon, at pumasok sa bahay ng isang lalaking nagngangalang Tito Justo, na isang sumasamba sa Dios, na ang bahay niya'y karugtong ng sinagoga. 8 At si Crispo, ang pinuno sa sinagoga, ay nanampalataya sa Panginoon, pati ng buong sangbahayan niya; at marami sa mga taga Corinto na sa pakikinig ay nagsisampalataya, at pawang nangabautismuhan. 9 At sinabi ng Panginoon kay Pablo nang gabi sa pangitain, Huwag kang matakot, kundi magsalita ka, at huwag kang tumahimik: 10 Sapagka't ako'y sumasaiyo, at sinoma'y hindi ka madadaluhong upang saktan ka: sapagka't makapal ang mga tao ko sa bayang ito. 11 At siya'y tumahan doong isang taon at anim na buwan, na itinuturo sa kanila ang salita ng Dios.
12 Datapuwa't nang si Galion ay proconsul ng Acaya ang mga Judio ay nangagkaisang nangagsitindig laban kay Pablo at siya'y dinala sa harapan ng hukuman, 13 Na nagsasabi, Hinihikayat ng taong ito ang mga tao upang magsisamba sa Dios laban sa kautusan. 14 Datapuwa't nang bubukhin na ni Pablo ang kaniyang bibig, ay sinabi ni Galion sa mga Judio, Kung ito'y tunay na masamang gawa o mabigat na kasalanan, Oh mga Judio, may matuwid na tiisin ko kayo: 15 Datapuwa't kung mga pagtatalo tungkol sa mga salita at mga pangalan at sa inyong sariling kautusan, kayo sa inyong sarili na ang bahala noon; ayaw kong maging hukom sa mga bagay na ito. 16 At sila'y pinalayas niya sa hukuman. 17 At hinawakan nilang lahat si Sostenes, na pinuno sa sinagoga, at siya'y hinampas sa harapan ng hukuman. At hindi man lamang pinansin ni Galion ang mga bagay na ito.