1 Datapuwa't si Saulo, na sumisilakbo pa ng mga pagbabanta at pagpatay laban sa mga alagad ng Panginoon, ay naparoon sa dakilang saserdote, 2 At humingi sa kaniya ng mga sulat sa Damasco sa mga sinagoga, upang kung siya'y makasumpong ng sinoman sa mga nasa Daan, maging mga lalake o mga babae, ay kaniya silang madalang gapos sa Jerusalem. 3 At sa kaniyang paglalakad, ay nangyari na siya'y malapit sa Damasco: at pagdaka'y nagliwanag sa palibot niya ang isang ilaw mula sa langit: 4 At siya'y nasubasob sa lupa, at nakarinig ng isang tinig na sa kaniya'y nagsasabi, Saulo, Saulo, bakit mo ako pinaguusig? 5 At sinabi niya, Sino ka baga, Panginoon? At sinabi niya, Ako'y si Jesus na iyong pinaguusig: 6 Nguni't magtindig ka, at ikaw ay pumasok sa bayan, at sasalitain sa iyo ang dapat mong gawin. 7 At ang mga taong kasama niya sa paglalakad ay nangatilihan na hindi makapagsalita, na naririnig ang tinig, datapuwa't walang nakikitang sinoman. 8 At nagtindig sa lupa si Saulo; at pagkadilat ng kaniyang mga mata, ay di siya nakakita ng anoman; at kanilang inakay siya sa kamay at ipinasok siya sa Damasco. 9 At siya'y tatlong araw na walang paningin, at hindi kumain ni uminom man.
10 Ngayon nga'y may isang alagad sa Damasco, na nagngangalang Ananias; at sinabi sa kaniya ng Panginoon sa pangitain, Ananias. At sinabi niya, Narito ako, Panginoon. 11 At sinabi sa kaniya ng Panginoon, Magtindig ka, at pumaroon sa lansangang tinatawag na Matuwid, at ipagtanong mo sa bahay ni Judas ang isa na nagngangalang Saulo, lalaking taga Tarso: sapagka't narito, siya'y nananalangin; 12 At nakita niya ang isang lalaking nagngangalang Ananias na pumapasok, at ipinapatong ang kaniyang mga kamay sa kaniya, upang tanggapin niya ang kaniyang paningin. 13 Nguni't sumagot si Ananias, Panginoon, nabalitaan ko sa marami ang tungkol sa taong ito, kung gaano karaming kasamaan ang ginawa niya sa iyong mga banal sa Jerusalem: 14 At dito siya'y may kapahintulutan ng mga pangulong saserdote na gapusin ang lahat ng mga nagsisitawag sa iyong pangalan. 15 Datapuwa't sinabi sa kaniya ng Panginoon, Pumaroon ka: sapagka't siya'y sisidlang hirang sa akin, upang dalhin ang aking pangalan sa harapan ng mga Gentil at ng mga hari, at ng mga anak ni Israel: 16 Sapagka't sa kaniya'y aking ipakikilala kung gaano karaming mga bagay ang dapat niyang tiisin dahil sa aking pangalan. 17 At umalis si Ananias at pumasok sa bahay; at ipinatong ang kaniyang mga kamay sa kaniya na sinabi, Kapatid na Saulo, ang Panginoon, sa makatuwid baga'y si Jesus, na sa iyo'y napakita sa daan na iyong pinanggalingan, ay nagsugo sa akin, upang tanggapin mo ang iyong paningin, at mapuspos ka ng Espiritu Santo. 18 At pagdaka'y nangalaglag mula sa kaniyang mga mata ang mga parang kaliskis, at tinanggap niya ang kaniyang paningin; at siya'y nagtindig at siya'y binautismuhan;