1 Nang magkagayon nga'y tinangnan ni Pilato si Jesus, at siya'y hinampas. 2 At ang mga kawal ay nangagkamakama ng isang putong na tinik, at ipinutong sa kaniyang ulo, at siya'y sinuutan ng isang balabal na kulay-ube; 3 At sila'y nagsilapit sa kaniya, at nangagsabi, Magalak, Hari ng mga Judio! at siya'y kanilang pinagsuntukanan. 4 At si Pilato ay lumabas na muli, at sa kanila'y sinabi, Narito, siya'y inilabas ko sa inyo, upang inyong matalastas na wala akong masumpungang anomang kasalanan sa kaniya. 5 Lumabas nga si Jesus, na may putong na tinik at balabal na kulay-ube. Sa kanila'y sinabi ni Pilato, Narito, ang tao! 6 Pagkakita nga sa kaniya ng mga pangulong saserdote at ng mga punong kawal, ay sila'y nangagsigawan, na sinasabi, Ipako siya sa krus, ipako siya sa krus! Sinabi sa kanila ni Pilato, Kunin ninyo siya, at ipako ninyo siya sa krus: sapagka't ako'y walang masumpungang kasalanan sa kaniya. 7 Nagsisagot sa kaniya ang mga Judio, Kami'y mayroong isang kautusan, at ayon sa kautusang yaon ay nararapat siyang mamatay, sapagka't siya'y nagpapanggap na Anak ng Dios. 8 Pagkarinig nga ni Pilato ng salitang ito, ay lalong sinidlan siya ng takot; 9 At siya'y muling pumasok sa Pretorio, at sinabi kay Jesus, Taga saan ka? Nguni't hindi siya sinagot ni Jesus. 10 Sinabi nga sa kaniya ni Pilato, Sa akin ay hindi ka nagsasalita? Hindi mo baga nalalaman na ako'y may kapangyarihang sa iyo'y magpawala, at may kapangyarihang sa iyo'y magpako sa krus? 11 Sumagot si Jesus sa kaniya, Anomang kapangyarihan ay hindi ka magkakaroon laban sa akin malibang ito'y ibinigay sa iyo mula sa itaas: kaya't ang nagdala sa iyo sa akin ay may lalong malaking kasalanan.
12 Dahil dito'y pinagsisikapan ni Pilato na siya'y pawalan: nguni't ang mga Judio ay nagsisigawan, na nangagsasabi, Kung pawalan mo ang taong ito, ay hindi ka kaibigan ni Cesar: ang bawa't isang nagpapanggap na hari ay nagsasalita ng laban kay Cesar. 13 Nang marinig nga ni Pilato ang mga salitang ito, ay inilabas niya si Jesus, at siya'y naupo sa hukuman sa dakong tinatawag na Pavimento, datapuwa't sa Hebreo ay Gabbatha. 14 Noon nga'y Paghahanda ng paskua: at noo'y magiikaanim ng oras. At sinabi niya sa mga Judio, Narito, ang inyong Hari! 15 Sila nga'y nagsigawan, Alisin siya, alisin siya, ipako siya sa krus! Sinabi sa kanila ni Pilato, Ipapako ko baga sa krus ang inyong Hari? Nagsisagot ang mga pangulong saserdote, Wala kaming hari kundi si Cesar.