1 At pagkatapos ng mga bagay na ito ay naglakad si Jesus sa Galilea: sapagka't ayaw siyang maglakad sa Judea, dahil sa pinagsisikapan ng mga Judio na siya'y patayin. 2 Malapit na nga ang pista ng mga Judio, ang pista ng mga tabernakulo. 3 Sinabi nga sa kaniya ng kaniyang mga kapatid, Umalis ka rito, at pumaroon ka sa Judea, upang makita naman ng iyong mga alagad ang mga gawang iyong ginagawa. 4 Sapagka't walang taong gumagawa ng anomang bagay sa lihim, at nagsisikap ihayag ang kaniyang sarili. Kung ginagawa mo ang mga bagay na ito ay pakilala ka sa sanglibutan. 5 Sapagka't kahit ang kaniyang mga kapatid man ay hindi nagsisisampalataya sa kaniya. 6 Sinabi nga sa kanila ni Jesus, Hindi pa dumarating ang aking panahon; datapuwa't ang inyong panahon ay laging nahahanda. 7 Hindi mangyayaring kayo'y kapootan ng sanglibutan; nguni't ako'y kinapopootan, sapagka't siya'y aking pinatototohanang masasama ang kaniyang mga gawa. 8 Mangagsiahon kayo sa pista: ako'y hindi aahon sa pistang ito; sapagka't hindi pa nagaganap ang aking panahon. 9 At nang masabi sa kanila ang mga bagay na ito, ay nanahan pa siya sa Galilea.
10 Datapuwa't nang mangakaahon na ang kaniyang mga kapatid sa pista, saka naman siya umahon, hindi sa hayag, kundi waring sa lihim. 11 Hinahanap nga siya ng mga Judio sa pista, at kanilang sinasabi, Saan naroon siya? 12 At nagkaroon ng maraming bulongbulungan tungkol sa kaniya ang karamihan: sinasabi ng ilan, Siya'y taong mabuti; sinasabi ng mga iba, Hindi gayon, kundi inililigaw niya ang karamihan. 13 Gayon man ay walang taong nagsasalita ng hayag tungkol sa kaniya dahil sa takot sa mga Judio.
14 Datapuwa't nang ang kapistahan nga'y nasa kalagitnaan na ay umahon si Jesus sa templo, at nagturo. 15 Nagsipanggilalas nga ang mga Judio, na nangagsasabi, Paanong nakaaalam ang taong ito ng mga karunungan, gayong hindi naman nagaral kailan man? 16 Sinagot nga sila ni Jesus, at sinabi, Ang turo ko ay hindi akin, kundi doon sa nagsugo sa akin. 17 Kung ang sinomang tao ay nagiibig gumawa ng kaniyang kalooban, ay makikilala niya ang turo, kung ito'y sa Dios, o kung ako'y nagsasalita na mula sa aking sarili. 18 Ang nagsasalita ng sa ganang kaniyang sarili'y humahanap ng kaniyang sariling kaluwalhatian: datapuwa't ang humahanap ng kaluwalhatian niyaong sa kaniya'y nagsugo, ang gayon ay totoo, at sa kaniya'y walang kalikuan. 19 Hindi baga ibinigay sa inyo ni Moises ang kautusan, at gayon ma'y wala sa inyong gumaganap ng kautusan? Bakit ninyo pinagsisikapang ako'y patayin? 20 Sumagot ang karamihan, Mayroon kang demonio: sino ang nagsisikap na ikaw ay patayin? 21 Sumagot si Jesus at sa kanila'y sinabi, Isang gawa ang aking ginawa, at kayong lahat ay nagsipanggilalas dahil doon. 22 Ibinigay sa inyo ni Moises ang pagtutuli (hindi sa ito'y kay Moises, kundi sa mga magulang); at tinutuli ninyo sa sabbath ang isang lalake. 23 Kung tinatanggap ng lalake ang pagtutuli sa sabbath, upang huwag labagin ang kautusan ni Moises; nangagagalit baga kayo sa akin, dahil sa pinagaling kong lubos ang isang tao sa sabbath? 24 Huwag kayong magsihatol ayon sa anyo, kundi magsihatol kayo ng matuwid na paghatol.