60 Marami nga sa kaniyang mga alagad, nang kanilang marinig ito, ay nangagsabi, Matigas ang pananalitang ito; sino ang makaririnig noon? 61 Datapuwa't pagkaalam ni Jesus sa kaniyang sarili na nagbubulongbulungan ang kaniyang mga alagad tungkol dito, sa kanila'y sinabi, Ito baga'y nakapagpapatisod sa inyo? 62 Ano nga kung makita ninyong umaakyat ang Anak ng tao sa kinaroroonan niya nang una? 63 Ang espiritu nga ang bumubuhay; sa laman ay walang anomang pinakikinabang: ang mga salitang sinalita ko sa inyo ay pawang espiritu, at pawang buhay. 64 Datapuwa't may ilan sa inyong hindi nagsisisampalataya. Sapagka't talastas na ni Jesus buhat pa nang una kung sino-sino ang hindi nagsisisampalataya, at kung sino ang sa kaniya'y magkakanulo. 65 At sinabi niya, Dahil dito'y sinabi ko sa inyo, na walang taong makalalapit sa akin, maliban na ipagkaloob sa kaniya ng Ama.
66 Dahil dito'y marami sa kaniyang mga alagad ay nagsitalikod, at hindi na nagsisama sa kaniya. 67 Sinabi nga ni Jesus sa labingdalawa, Ibig baga ninyong magsialis din naman? 68 Sinagot siya ni Simon Pedro, Panginoon, kanino kami magsisiparoon? ikaw ang may mga salita ng buhay na walang hanggan. 69 At kami'y nagsisisampalataya at nakikilala namin na ikaw ang Banal ng Dios. 70 Sinagot sila ni Jesus, Hindi baga hinirang ko kayong labingdalawa, at ang isa sa inyo ay diablo? 71 Tinukoy nga niya si Judas na anak ni Simon Iscariote, sapagka't siya ang sa kaniya'y magkakanulo, palibhasa'y isa sa labingdalawa.