57 Naganap nga kay Elisabet ang panahon ng panganganak; at siya'y nanganak ng isang lalake. 58 At nabalitaan ng kaniyang mga kapitbahay at mga kamaganak, na dinakila ng Panginoon ang kaniyang awa sa kaniya; at sila'y nangakigalak sa kaniya. 59 At nangyari, na nang ikawalong araw ay nagsiparoon sila upang tuliin ang sanggol; at siya'y tatawagin sana nila na Zacarias, ayon sa pangalan ng kaniyang ama. 60 At sumagot ang kaniyang ina at nagsabi, Hindi gayon; kundi ang itatawag sa kaniya'y Juan. 61 At sinabi nila sa kaniya, Wala sa iyong kamaganak na tinatawag sa pangalang ito. 62 At hinudyatan nila ang kaniyang ama, kung ano ang ibig niyang itawag. 63 At humingi siya ng isang sulatan at sumulat, na sinasabi, Ang kaniyang pangalan ay Juan. At nagsipanggilalas silang lahat. 64 At pagdaka'y nabuka ang kaniyang bibig, at ang kaniyang dila'y nakalag, at siya'y nagsalita, na pinupuri ang Dios. 65 At sinidlan ng takot ang lahat ng nagsisipanahan sa palibot nila; at nabansag ang lahat ng mga bagay na ito sa lahat ng lupaing maburol ng Judea. 66 At lahat ng mga nangakarinig nito ay pawang iningatan sa kanilang puso, na sinasabi, Magiging ano nga kaya ang batang ito? Sapagka't ang kamay ng Panginoon ay sumasa kaniya.