5 Nagkaroon nang mga araw ni Herodes, hari sa Judea, ng isang saserdoteng ang ngala'y Zacarias, sa pulutong ni Abias: at ang naging asawa niya ay isa sa mga anak na babae ni Aaron, at ang kaniyang ngala'y Elisabet. 6 At sila'y kapuwa matuwid sa harap ng Dios, na nagsisilakad na walang kapintasan sa lahat ng mga utos at mga palatuntunan ng Panginoon. 7 At wala silang anak, sapagka't baog si Elisabet, at sila'y kapuwa may pataw ng maraming taon.
8 Nangyari nga, na samantalang ginaganap niya ang pagkasaserdote sa harapan ng Dios ayon sa kapanahunan ng kaniyang pulutong, 9 Alinsunod sa kaugalian ng tungkuling pagkasaserdote, ay naging palad niya ang pumasok sa templo ng Panginoon at magsunog ng kamangyan. 10 At ang buong karamihan ng mga tao ay nagsisipanalangin sa labas sa oras ng kamangyan. 11 At napakita sa kaniya ang isang anghel ng Panginoon, na nakatayo sa dakong kanan ng dambana ng kamangyan. 12 At nagulumihanan si Zacarias, pagkakita niya sa kaniya, at dinatnan siya ng takot. 13 Datapuwa't sinabi sa kaniya ng anghel, Huwag kang matakot, Zacarias: sapagka't dininig ang daing mo, at ang asawa mong si Elisabet ay manganganak sa iyo ng isang anak na lalake, at tatawagin mong Juan ang kaniyang pangalan. 14 At magkakaroon ka ng ligaya at galak; at marami ang maliligaya sa pagkapanganak sa kaniya. 15 Sapagka't siya'y magiging dakila sa paningin ng Panginoon, at siya'y hindi iinom ng alak ni matapang na inumin; at siya'y mapupuspos ng Espiritu Santo, mula pa sa tiyan ng kaniyang ina. 16 At marami sa mga anak ni Israel, ay papagbabaliking-loob niya sa Panginoon na kanilang Dios. 17 At siya'y lalakad sa unahan ng kaniyang mukha na may espiritu at kapangyarihan ni Elias, upang papagbaliking-loob ang mga puso ng mga ama sa mga anak, at ang mga suwail ay magsilakad sa karunungan ng mga matuwid, upang ipaglaan ang Panginoon ng isang bayang nahahanda.
18 At sinabi ni Zacarias sa anghel, Sa ano malalaman ko ito? sapagka't ako'y matanda na, at ang aking asawa ay may pataw ng maraming taon. 19 At pagsagot ng anghel ay sinabi sa kaniya, Ako'y si Gabriel, na nananayo sa harapan ng Dios; at ako'y sinugo upang makipagusap sa iyo, at magdala sa iyo nitong mabubuting balita. 20 At narito, mapipipi ka at hindi ka makapangungusap, hanggang sa araw na mangyari ang mga bagay na ito, sapagka't hindi ka sumampalataya sa aking mga salita, na magaganap sa kanilang kapanahunan. 21 At hinihintay ng bayan si Zacarias, at nanganggigilalas sila sa kaniyang pagluluwat sa loob ng templo. 22 At nang lumabas siya, ay hindi siya makapagsalita sa kanila: at hininagap nila na siya'y nakakita ng isang pangitain sa templo: at siya'y nagpatuloy ng pakikipagusap sa kanila, sa pamamagitan ng mga hudyat, at nanatiling pipi. 23 At nangyari, na nang maganap na ang mga araw ng kaniyang paglilingkod, siya'y umuwi sa kaniyang bahay.
24 At pagkatapos ng mga araw na ito ay naglihi ang kaniyang asawang si Elisabet; at siya'y lumigpit ng limang buwan, na nagsasabi, 25 Ganito ang ginawa ng Panginoon sa akin sa mga araw nang ako'y tingnan niya, upang alisin ang aking pagkaduwahagi sa gitna ng mga tao.