1 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi, 2 Ito ang magiging kautusan tungkol sa may ketong, sa kaarawan ng kaniyang paglilinis, siya'y dadalhin sa saserdote: 3 At ang saserdote ay lalabas sa kampamento; at titingnan ng saserdote, at, narito, kung ang salot na ketong ay gumaling sa may ketong; 4 Ay ipagutos nga ng saserdote na ikuha siya na lilinisin, ng dalawang ibong malinis na buhay, at kahoy na cedro, at grana, at hisopo; 5 At ipaguutos ng saserdote, na patayin ang isa sa mga ibon, sa isang sisidlang lupa sa ibabaw ng tubig na umaagos. 6 Tungkol sa ibong buhay, ay kaniyang kukunin at ang kahoy na cedro, at ang grana at ang hisopo, at babasain pati ng ibong buhay, sa dugo ng ibong pinatay sa ibabaw ng tubig na umaagos: 7 At iwiwisik niya na makapito doon sa kaniya na lilinisin sa ketong, at ipakikilalang malinis, at pawawalan ang ibong buhay sa kalawakan ng parang. 8 At siya na lilinisin ay maglalaba ng kaniyang mga suot, at magaahit ng lahat niyang buhok, at maliligo sa tubig; at magiging malinis: at pagkatapos ay papasok sa kampamento, datapuwa't tatahan sa labas ng kaniyang tolda na pitong araw. 9 At mangyayaring sa ikapitong araw, ay muling magaahit ng lahat niyang buhok, sa kaniyang ulo, at sa kaniyang baba, at sa kaniyang kilay, na anopa't aahitin niya ang lahat niyang buhok; at kaniyang lalabhan ang kaniyang mga suot, at kaniyang paliliguan ang kaniyang laman sa tubig, at magiging malinis.
10 At sa ikawalong araw ay kukuha siya ng dalawang korderong lalake na walang kapintasan, at ng isang korderong babae ng unang taon na walang kapintasan, at ng isang handog na harina na tatlong ikasangpung bahagi ng isang epa ng mainam na harina na hinaluan ng langis, at ng isang log na langis. 11 At ihaharap ang taong lilinisin ng saserdoteng naglilinis sa kaniya, at gayon din ang mga bagay na yaon, sa harap ng Panginoon, sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan: 12 At kukuha ang saserdote ng isa sa mga korderong lalake at ihahandog na pinakahandog sa pagkakasala, at ng log ng langis, at aalugin na pinakahandog na inalog sa harap ng Panginoon: 13 At papatayin ang korderong lalake sa pinagpapatayan ng handog dahil sa kasalanan at ng handog na susunugin, sa dako ng santuario: sapagka't kung paanong ang handog dahil sa kasalanan ay sa saserdote, gayon din ang handog dahil sa pagkakasala; bagay ngang kabanalbanalan: 14 At ang saserdote ay kukuha sa dugo ng handog dahil sa pagkakasala, at ilalagay ng saserdote sa pingol ng kanang tainga niyaong lilinisin, at sa daliring hinlalaki ng kaniyang kanang kamay, at sa daliring hinlalaki ng kaniyang kanang paa; 15 At kukuha ang saserdote sa log ng langis, at ibubuhos sa ibabaw ng palad ng kaniyang kaliwang kamay: 16 At itutubog ng saserdote ang kanang daliri niya sa langis na nasa kaniyang kaliwang kamay, at magwiwisik siyang makapito ng langis ng kaniyang daliri sa harap ng Panginoon: 17 At sa lumabis sa langis na nasa kaniyang kamay, ay maglalagay ang saserdote sa ibabaw ng pingol ng kanang tainga niyaong lilinisin, at sa daliring hinlalaki ng kaniyang kanang kamay at sa daliring hinlalaki ng kaniyang kanang paa, sa ibabaw ng dugo ng dahil sa pagkakasala: 18 At ang labis sa langis na nasa kamay ng saserdote, ay ilalagay nito sa ulo niyaong lilinisin: at itutubos sa kaniya ng saserdote sa harap ng Panginoon. 19 At ihahandog ng saserdote ang handog dahil sa kasalanan, at itutubos sa kaniya, na lilinisin dahil sa kaniyang karumihan; at pagkatapos ay papatayin ang handog na susunugin: 20 At ihahandog ng saserdote ang handog na susunugin at ang handog na harina sa ibabaw ng dambana: at itutubos sa kaniya ng saserdote, at siya'y magiging malinis.
21 At kung siya'y dukha at ang kaniyang kaya ay hindi aabot, ay kukuha nga siya ng isang korderong lalake na handog dahil sa pagkakasala, na aalugin upang itubos sa kaniya, at ng ikasampung bahagi ng isang epa na mainam na harina, na hinaluan ng langis na pinakahandog na harina, at ng isang log ng langis; 22 At ng dalawang batobato o ng dalawang inakay ng kalapati, kung alin ang aabutin ng kaniyang kaya; at ang isa'y magiging handog dahil sa kasalanan, at ang isa'y handog na susunugin. 23 At sa ikawalong araw ay kaniyang dadalhin sa saserdote sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan upang gamitin sa kaniyang paglilinis sa harap ng Panginoon. 24 At kukunin ng saserdote ang korderong handog dahil sa pagkakasala at ang log ng langis, at aalugin ng saserdote na pinakahandog na inalog sa harap ng Panginoon. 25 At kaniyang papatayin ang korderong handog dahil sa pagkakasala, at kukuha ang saserdote ng dugo ng handog dahil sa pagkakasala, at ilalagay sa pingol ng kanang tainga niyaong lilinisin, at sa daliring hinlalaki ng kaniyang kanang kamay, at sa daliring hinlalaki ng kaniyang kanang paa: 26 At magbubuhos ang saserdote ng langis sa ibabaw ng palad ng kaniyang kaliwang kamay: 27 At makapitong magwiwisik ang saserdote ng kaniyang kanang daliri, ng langis na nasa kaniyang kaliwang kamay, sa harap ng Panginoon: 28 At maglalagay ang saserdote ng langis na nasa kaniyang kamay, sa pingol ng kanang tainga niyaong lilinisin, at sa daliring hinlalaki ng kaniyang kanang kamay, at sa daliring hinlalaki ng kaniyang kanang paa, sa ibabaw ng pinaglagyan ng dugong handog dahil sa pagkakasala: 29 At ang labis ng langis na nasa kamay ng saserdote ay ilalagay niya sa ulo niyaong lilinisin, upang itubos sa kaniya sa harap ng Panginoon. 30 At kaniyang ihahandog ang isa sa mga batobato o sa mga inakay ng kalapati, kung alin ang kaniyang kaya; 31 Kung alin ang abutin ng kaniyang kaya, na ang isa'y handog dahil sa kasalanan, at ang isa'y handog na susunugin, pati ng handog na harina: at itutubos ng saserdote doon sa malilinis sa harap ng Panginoon. 32 Ito ang kautusan tungkol sa may salot na ketong, na ang kaniyang kaya ay hindi abot sa nauukol sa kaniyang paglilinis.