1 At sumagot si Jesus at muling pinagsalitaan sila sa mga talinghaga, na sinasabi, 2 Tulad ang kaharian ng langit sa isang hari na naghanda ng piging ng kasalan ng kaniyang anak na lalake, 3 At sinugo ang kaniyang mga alipin upang tawagin ang mga inanyayahan sa piging ng kasalan: at sila'y ayaw magsidalo. 4 Muling nagsugo siya sa ibang mga alipin, na sinasabi, Sabihin ninyo sa mga inanyayahan, Narito, inihanda ko na ang aking piging; pinatay ko ang aking mga baka at mga hayop na matataba, at ang lahat ng mga bagay ay nahahanda na: magsiparito kayo sa piging ng kasalan. 5 Datapuwa't hindi nila pinansin, at sila'y nagsiyaon sa kanilang lakad, ang isa'y sa kaniyang sariling bukid, ang isa'y sa kaniyang mga kalakal; 6 At hinawakan ng mga iba ang kaniyang mga alipin, at sila'y dinuwahagi, at pinagpapatay. 7 Datapuwa't ang hari ay nagalit; at sinugo ang kaniyang mga hukbo, at pinuksa ang mga mamamataytaong yaon, at sinunog ang kanilang bayan. 8 Nang magkagayo'y sinabi niya sa kaniyang mga alipin, Nahahanda ang kasalan, nguni't hindi karapatdapat ang mga inanyayahan. 9 Magsiparoon nga kayo sa mga likuang lansangan, at anyayahan ninyo sa piging ng kasalan ang lahat ninyong mangasumpungan. 10 At nagsilabas ang mga aliping yaon sa mga lansangan, at kanilang tinipon ang lahat nilang nangasumpungan, masasama at mabubuti: at napuno ng mga panauhin ang kasalan.
11 Datapuwa't pagpasok ng hari upang tingnan ang mga panauhin, ay doo'y nakita niya ang isang tao na hindi nararamtan ng damit-kasalan: 12 At sinabi niya sa kaniya, Kaibigan, ano't pumasok ka rito na walang damit-kasalan? At siya'y naumid. 13 Nang magkagayo'y sinabi ng hari sa mga naglilingkod, Gapusin ninyo ang mga paa at mga kamay niya, at itapon ninyo siya sa kadiliman sa labas; diyan na nga ang pagtangis at ang pagngangalit ng mga ngipin. 14 Sapagka't marami ang mga tinawag, datapuwa't kakaunti ang mga nahirang.