14 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi, 15 Kung ang sinoman ay makasuway at magkasala ng di sinasadya sa mga banal na bagay ng Panginoon; ay magdadala nga siya sa Panginoon ng handog dahil sa pagkakasala na isang tupang lalaking walang kapintasan na kinuha sa kawan, ayon sa iyong pagkahalaga sa siklong pilak, ayon sa siklo ng santuario na pinakahandog dahil sa pagkakasala: 16 At isasauli niya yaong kaniyang nadaya sa banal na bagay, at magdaragdag pa ng ikalimang bahagi, at ibibigay niya sa saserdote: at itutubos sa kaniya ng saserdote sa pamamagitan ng lalaking tupang handog dahil sa pagkakasala; at siya'y patatawarin.
17 At kung ang sinoman ay magkasala, at gumawa ng alin man sa mga bagay na iniutos ng Panginoon na huwag gawin; bagama't hindi niya nalalaman, makasalanan din siya at magtataglay siya ng kaniyang kasamaan. 18 At siya'y magdadala sa saserdote ng isang tupang lalake na walang kapintasan na kinuha sa kawan ayon sa iyong pagkahalaga na pinakahandog dahil sa pagkakasala; at itutubos sa kaniya ng saserdote, tungkol sa bagay na pinagkamalian niya ng di sinasadya, at hindi niya nalalaman, at siya'y patatawarin. 19 Yaon nga'y handog dahil sa pagkakasala: tunay ngang siya'y makasalanan sa harap ng Panginoon.
1 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi, 2 Kung ang sinoman ay magkasala, at sumuway sa Panginoon, na magbulaan sa kaniyang kapuwa tungkol sa isang habilin, o sa isang sanla, o sa nakaw, o pumighati sa kaniyang kapuwa, 3 O nakasumpong ng nawala, at ipagkaila at sumumpa ng kasinungalingan; sa alin man sa lahat ng ito na ginawa ng tao ng pinagkakasalahan: 4 Ay mangyayari nga, na kung siya'y nagkasala at naging salarin, na isasauli niya ang ninakaw, o ang nakuha sa pagpighati, o ang habiling inihabilin sa kaniya, o ang bagay na nawala sa kaniyang nasumpungan, 5 O anomang bagay na kaniyang sinumpaan ng kabulaanan; na isasauli niyang buo, at daragdagan pa niya ng ikalimang bahagi niyaon: sa may-ari ibibigay niya sa araw na pagkasumpong sa kaniya na siya'y may kasalanan. 6 At dadalhin niya sa Panginoon ang kaniyang handog dahil sa pagkakasala, isang tupang lalake na walang kapintasan na kinuha sa kawan, ayon sa iyong pagkahalaga, at ibibigay sa saserdote na pinakahandog dahil sa pagkakasala: 7 At itutubos sa kaniya ng saserdote sa harap ng Panginoon; at siya'y patatawarin tungkol sa alin mang kaniyang nagawa, na kaniyang pinagkasalahan.