Laws for Sin Offerings

Leviticus 4

1 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi, 2 Salitain mo sa mga anak ni Israel, na iyong sabihin, Kung ang sinoman ay magkakasala ng hindi sinasadya sa alin man sa mga bagay na iniutos ng Panginoon na huwag gawin, at gagawin ng sinoman sa kanila; 3 Kung ang pinahirang saserdote ang magkasala ng gayon na magdala ng sala sa bayan, ay maghahandog nga siya sa Panginoon dahil sa kaniyang kasalanan na ipinagkasala, ng isang guyang toro, na walang kapintasan, na pinakahandog dahil sa kasalanan. 4 At dadalhin niya ang toro sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan sa harap ng Panginoon: at ipapatong niya ang kaniyang kamay sa ulo ng toro, at papatayin ang toro sa harap ng Panginoon. 5 At ang pinahiran ng langis na saserdote ay kukuha ng dugo ng toro, at dadalhin sa tabernakulo ng kapisanan: 6 At ilulubog ng saserdote ang kaniyang daliri sa dugo, at magwiwisik na makapito ng dugo sa harap ng Panginoon, sa tapat ng tabing ng santuario. 7 At ang saserdote ay maglalagay ng dugong yaon sa ibabaw ng mga anyong sungay ng dambana ng mabangong kamangyan sa harap ng Panginoon, na nasa tabernakulo ng kapisanan: at lahat ng dugo ng toro ay ibubuhos sa paanan ng dambanang pagsusunugan ng handog na nasa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan. 8 At aalisin ang lahat ng taba ng toro na handog dahil sa kasalanan; ang tabang nakakatakip sa lamang loob, at ang lahat ng tabang nasa ibabaw ng lamang loob, 9 At ang dalawang bato at ang tabang nasa ibabaw, na malapit sa mga balakang, at ang lamad na nasa ibabaw ng atay, ay aalisin na kalakip ng mga bato, 10 Na gaya ng pagaalis ng sa toro na hain na mga handog tungkol sa kapayapaan: at susunugin ng saserdote sa ibabaw ng dambanang pagsusunugan ng handog. 11 At ang balat ng toro at ang buong laman pati ng ulo at ng mga hita, at ng lamang loob, at ng dumi, 12 Sa makatuwid baga'y ang buong toro ay ilalabas niya sa labas ng kampamento sa isang dakong malinis, na pinagtatapunan ng mga abo, at doon susunugin sa apoy sa ibabaw ng kahoy: sa pinagtatapunan ng mga abo susunugin yaon.

13 At kung ang buong kapisanan ng Israel ay magkasala, at ang bagay ay malihim sa mga mata ng kapulungan, at sila'y nakagawa ng anoman sa mga bagay na iniutos ng Panginoon na huwag gawin, at naging salarin; 14 Pagka nakilala ang kasalanan ng kanilang ipinagkasala, ay maghahandog nga ang kapisanan ng isang guyang toro na pinakahandog dahil sa kasalanan, at dadalhin sa harap ng tabernakulo ng kapisanan. 15 At ipapatong ng mga matanda ng kapulungan, ang kanilang kamay sa ulo ng toro sa harap ng Panginoon: at papatayin ang toro sa harap ng Panginoon. 16 At ang saserdoteng pinahiran ng langis ay magdadala ng dugo ng toro sa tabernakulo ng kapisanan: 17 At ilulubog ng saserdote ang kaniyang daliri sa dugo, at iwiwisik na makapito sa harap ng Panginoon, sa harap ng tabing. 18 At maglalagay siya ng dugo sa ibabaw ng mga anyong sungay ng dambana na nasa harap ng Panginoon, na nasa tabernakulo ng kapisanan, at ang lahat ng dugo ay ibubuhos niya sa paanan ng dambanang pagsusunugan ng handog na nasa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan. 19 At aalisin niya ang lahat ng taba niyaon, at susunugin niya sa ibabaw ng dambana. 20 Gayon ang gagawin niya sa toro; kung paano ang ginawa niya sa torong handog dahil sa kasalanan, ay gayon gagawin niya rito: at itutubos sa kanila ng saserdote, at patatawarin sila. 21 At ilalabas niya ang toro sa kampamento, at susunugin niya, na gaya ng pagkasunog sa unang toro: handog nga dahil sa kasalanan ng kapisanan.

22 Pagka ang isang pinuno ay nagkasala, at nakagawa ng hindi sinasadya sa alinman sa lahat ng bagay na iniutos ng Panginoon niyang Dios na huwag gawin, at siya'y naging salarin; 23 Kung maipakilala sa kaniya ang kasalanan niyang ipinagkasala, ay magdadala siya ng pinakaalay niya na isang lalaking kambing na walang kapintasan; 24 At ipapatong niya ang kaniyang kamay sa ulo ng kambing, at papatayin niya sa dakong pinagpapatayan ng handog na susunugin sa harap ng Panginoon: handog nga dahil sa kasalanan. 25 At dadampot ang saserdote sa pamamagitan ng kaniyang daliri, ng dugo ng handog dahil sa kasalanan at ilalagay sa ibabaw ng mga anyong sungay ng dambanang pagsusunugan ng handog, at ang dugo'y ibubuhos sa paanan ng dambanang pagsusunugan ng handog. 26 At ang lahat ng taba niyaon ay susunugin niya sa dambana, na gaya ng taba ng hain na mga handog tungkol sa kapayapaan: at itutubos sa kaniya ng saserdote tungkol sa kaniyang kasalanan, at siya'y patatawarin.

27 At kung ang sinomang karaniwang tao sa bayan ay magkasala ng hindi sinasadya, sa paggawa sa alinman sa mga bagay na iniutos ng Panginoon na huwag gawin, at maging makasalanan; 28 Kung maipakilala sa kaniya ang kasalanan niyang pinagkasalahan, ay magdadala siya ng pinakaalay niya na isang babaing kambing na walang kapintasan, na dahil sa kaniyang kasalanang pinagkasalahan niya. 29 At ipapatong niya ang kaniyang kamay sa ulo ng handog dahil sa kasalanan, at papatayin ang handog dahil sa kasalanan sa lagayan ng pagsusunugan ng handog. 30 At dadampot ang saserdote sa pamamagitan ng kaniyang daliri ng dugo at ilalagay sa ibabaw ng mga anyong sungay ng dambanang pagsusunugan ng handog, at ang lahat ng dugo niyaon ay ibubuhos niya sa paanan ng dambana. 31 At ang lahat ng taba niyaon ay kaniyang aalisin, na gaya ng pagaalis ng taba sa hain na mga handog tungkol sa kapayapaan; at susunugin ng saserdote sa dambana na pinakamasarap na amoy sa Panginoon; at itutubos sa kaniya ng saserdote, at siya'y patatawarin.

32 At kung kordero ang kaniyang dalhing pinakaalay na bilang handog dahil sa kasalanan, ay babaing walang kapintasan ang dadalhin niya. 33 At ipapatong niya ang kaniyang kamay sa ulo ng handog dahil sa kasalanan, at papatayin na pinakahandog dahil sa kasalanan, sa pinagpapatayan ng handog na susunugin. 34 At dadampot ang saserdote sa pamamagitan ng kaniyang daliri ng dugo ng handog dahil sa kasalanan, at ilalagay sa ibabaw ng mga anyong sungay ng dambanang pagsusunugan ng handog, at ang lahat ng dugo ay ibubuhos niya sa paanan ng dambana: 35 At ang lahat ng taba ay kaniyang aalisin, gaya ng pagkaalis ng taba sa kordero na hain na mga handog tungkol sa kapayapaan; at susunugin ng saserdote sa dambana, sa ibabaw ng mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy: at itutubos sa kaniya ng saserdote tungkol sa kasalanan na kaniyang pinagkasalahan; at siya'y patatawarin.

Leviticus 5

1 At kung ang sinoman ay magkasala, sa pagkarinig niya ng tinig ng pautos, sa paraang siya'y saksi maging kaniyang nakita o nalaman, kung hindi niya ihayag, ay siya nga ang magtataglay ng kasamaan niya. 2 O kung ang sinoman ay nakahipo ng alinmang bagay na karumaldumal, maging bangkay ng ganid na karumaldumal, o ng bangkay na hayop na karumaldumal, o ng bangkay ng umuusad na karumaldumal, at nalihim sa kaniya, at siya'y maging karumaldumal, ay magiging makasalanan nga siya: 3 O kung siya'y nakahipo ng karumaldumal ng tao, maging anomang karumaldumal niyaon na ikinapaging karumaldumal niya, at nalihim sa kaniya; pagka nalaman niya ay magiging makasalanan nga siya: 4 O kung ang sinoma'y sumumpa ng kaniyang mga labi ng walang dilidili na gumawa ng masama o gumawa ng mabuti, maging anoman na sinasalita ng tao na walang dilidili na kaakbay ang sumpa, at sa kaniya'y nalihim; pagka nalaman niya yaon, ay magiging makasalanan nga siya sa isa sa mga bagay na ito: 5 At mangyayari, na pagka siya'y magiging makasalanan sa isa sa mga bagay na ito, ay kaniyang isasaysay yaong kaniyang ipinagkasala: 6 At dadalhin niya sa Panginoon ang handog niya dahil sa pagkakasala, dahil sa kasalanang pinagkasalahan niya, ay isang babae na kinuha sa kawan, isang kordero o isang kambing na pinakahandog dahil sa kasalanan; at itutubos sa kaniya ng saserdote tungkol sa kaniyang kasalanan.

7 At kung ang kaniyang kaya ay hindi sapat upang magdala ng isang kordero, ay magdadala nga siya sa Panginoon, na pinakahandog niya sa pagkakasala, dahil sa ipinagkasala niya, ng dalawang batobato o ng dalawang inakay ng kalapati: ang isa'y pinakahandog dahil sa kasalanan at ang isa'y pinakahandog na susunugin. 8 At sila'y dadalhin niya sa saserdote, na ang ihahandog nito na pinakahandog dahil sa kasalanan, ay ang una at pupugutin ang ulo sa leeg, nguni't hindi papaghihiwalaying bigla: 9 At magwiwisik siya ng dugo ng handog dahil sa kasalanan sa ibabaw ng gilid ng dambana; at ang labis sa dugo ay pipigain sa paanan ng dambana: handog nga dahil sa kasalanan. 10 At ihahandog niya ang ikalawa na pinakahandog na susunugin ayon sa alituntunin: at itutubos sa kaniya ng saserdote tungkol sa kaniyang kasalanan na kaniyang pinagkasalahan, at siya'y patatawarin.

11 Datapuwa't kung ang kaniyang kaya ay hindi sapat upang magdala ng dalawang batobato, o ng dalawang inakay ng kalapati, ay magdadala nga siya ng ikasangpung bahagi ng isang epa ng mainam na harina, na pinakahandog dahil sa kasalanan niya; hindi niya lalagyan ng langis ni bubuhusan man niya ng kamangyan; sapagka't handog dahil sa kasalanan. 12 At dadalhin niya sa saserdote, at ang saserdote ay kukuha ng kaniyang dakot sa pinaka alaala niyaon, na susunugin sa dambana; na gaya ng mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy: handog nga dahil sa kasalanan. 13 At itutubos sa kaniya ng saserdote, tungkol sa kasalanan na kaniyang pinagkasalahan sa alinman sa mga bagay na ito, at siya'y patatawarin: at ang labis ay mapapasa saserdote, gaya ng handog na harina.

Next Book Next Book