22 Nang magkagayo'y dinala sa kaniya ang isang inaalihan ng demonio, bulag at pipi, at kaniyang pinagaling, ano pa't ang pipi ay nagsalita at nakakita. 23 At ang buong karamihan ay nangagtaka, at nangagsabi, Ito kaya ang Anak ni David? 24 Datapuwa't nang marinig ito ng mga Fariseo, ay kanilang sinabi, Ang taong ito'y hindi nagpapalabas ng mga demonio, kundi sa pamamagitan ni Beelzebub na prinsipe ng mga demonio. 25 At pagkaalam niya ng mga iniisip nila, ay sinabi niya sa kanila, Ang bawa't kahariang nagkakabahabahagi laban sa kaniyang sarili ay mawawasak; ang bawa't bayan o bahay na nagkakabahabahagi laban sa kaniyang sarili ay hindi mananatili. 26 At kung pinalalabas ni Satanas si Satanas, siya nababahagi laban sa kaniyang sarili; papaano ngang mananatili ang kaniyang kaharian? 27 At kung sa pamamagitan ni Beelzebub ay nagpapalabas ako ng mga demonio, ang inyong mga anak sa kaninong pamamagitan sila'y pinalalabas? kaya nga sila ang inyong magiging mga hukom. 28 Nguni't kung sa pamamagitan ng Espiritu ng Dios nagpapalabas ako ng mga demonio, ay dumating nga sa inyo ang kaharian ng Dios. 29 O papaano bagang makapapasok ang sinoman sa bahay ng malakas, at samsamin ang kaniyang mga pag-aari, kung hindi muna gapusin ang malakas? at kung magkagayo'y masasamsaman niya ang kaniyang bahay. 30 Ang hindi sumasa akin ay laban sa akin; at ang hindi nagiimpok na kasama ko ay nagsasambulat. 31 Kaya't sinasabi ko sa inyo, Ang bawa't kasalanan at kapusungan ay ipatatawad sa mga tao; datapuwa't ang kapusungang laban sa Espiritu ay hindi ipatatawad. 32 At ang sinomang magsalita ng isang salitang laban sa Anak ng tao, ay ipatatawad sa kaniya; datapuwa't ang sinomang magsalita laban sa Espiritu Santo, ay hindi ipatatawad sa kaniya, kahit sa sanglibutang ito, o maging sa darating.