7 Nang ikadalawang pu't apat na araw ng ikalabing isang buwan, na siyang buwan ng Sebath, nang ikalawang taon ni Dario, dumating ang salita ng Panginoon kay Zacarias, na anak ni Berechias, na anak ni Iddo, na propeta, na nagsasabi, 8 Aking nakita sa gabi, at, narito, ang isang lalaking nakasakay sa isang mapulang kabayo, at siya'y tumayo sa mga puno ng mirto, na nasa pinakamababa; at sa likuran niya'y may mga kabayong mapula, alazan, at maputi. 9 Nang magkagayo'y sinabi, Oh Panginoon ko, ano ang mga ito? At ang anghel na nakikipagusap sa akin ay nagsabi sa akin, Aking ipakikita sa iyo kung ano-ano ang mga ito. 10 At ang lalake na nakatayo sa mga puno ng mirto ay sumagot at nagsabi, Ang mga ito yaong mga sinugo ng Panginoon na magsilibot sa lupa. 11 At sila'y nagsisagot sa anghel ng Panginoon na nakatayo sa mga puno ng mirto, at nagsabi, Aming nilibot ang lupa, at, narito, ang buong lupa ay tahimik, at tiwasay. 12 Nang magkagayo'y ang anghel ng Panginoon ay sumagot at nagsabi, Oh Panginoon ng mga hukbo, hanggang kailan mawawalan ka ng habag sa Jerusalem at sa mga bayan ng Juda, laban sa iyong mga kinagalitan nitong pitong pung taon? 13 At ang Panginoo'y sumagot sa anghel na nakikipagusap sa akin ng mga mabuting salita, ng mga salitang pangaliw. 14 Sa gayo'y ang anghel na nakikipagusap sa akin ay nagsabi sa akin. Ikaw ay humiyaw, na iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Ako'y naninibugho sa Jerusalem at sa Sion ng malaking paninibugho. 15 At ako'y totoong naghihinanakit sa mga bansa na mga tiwasay; sapagka't ako'y naghinanakit ng kaunti, at sila'y nagsitulong ng pagbubungad ng kadalamhatian. 16 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, Ako'y nagbalik sa Jerusalem na may taglay na mga pagkahabag; ang aking bahay ay matatayo roon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, at isang pising panukat ay mauunat sa ibabaw ng Jerusalem. 17 Humiyaw ka pa uli, na iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Ang aking mga bayan ay sasagana dahil sa pagkasulong; at aaliwin pa ng Panginoon ang Sion, at pipiliin pa ang Jerusalem.