1 Hipan ninyo ang pakakak sa Sion, at mangagpatunog kayo ng hudyat sa aking banal na bundok; manginig ang lahat na mananahan sa lupain: sapagka't ang kaarawan ng Panginoon ay dumarating, sapagka't malapit na; 2 Araw ng kadiliman at ng pagkukulimlim, araw ng mga ulap at ng pagsasalimuot ng dilim, gaya ng liwayway na namumukadkad sa mga bundok; isang malaking bayan at matibay; hindi nagkaroon kailan man ng gaya niyaon, ni magkakaroon pa man pagkatapos ng mga yaon, hanggang sa mga taon ng maraming sali't saling lahi.
3 Isang apoy ang sumusupok sa harap nila; at sa likuran nila'y isang liyab ang sumusunog: ang lupain ay parang halamanan sa Eden sa harap nila, at sa likuran nila'y isang sirang ilang; oo, at walang nakatanan sa kanila.
4 Ang anyo nila ay parang anyo ng mga kabayo; at kung paano ang mga mangangabayo, gayon sila nagsisitakbo. 5 Parang ingay ng mga karo sa mga taluktok ng mga bundok nagsisilukso sila, parang hugong ng liyab ng apoy na sumusupok sa dayami, parang isang matibay na bayan na humahanay sa pagbabaka.
6 Sa kanilang harapan ay nangahihirapan ang mga bayan; lahat ng mukha ay nangamumutla. 7 Sila'y nagsisitakbong parang mga malakas na lalake; sila'y nagsisipagalambitin sa kuta na parang mga lalaking mangdidigma; at sila'y nagsisilakad bawa't isa ng kanikaniyang mga lakad, at hindi nila binabago ang kanilang mga hanay. 8 Ni nagtutulakan mang isa'y isa; sila'y lumalakad bawa't isa sa kanikaniyang landas; at sila'y magsisisagupa sa mga almas, at hindi sila malalansag. 9 Kanilang nilulukso ang bayan; kanilang tinatakbo ang kuta; kanilang pinagaalambitinan ang mga bahay; sila'y nagsisipasok sa mga dungawan na parang magnanakaw.
10 Ang lupa ay nayayanig sa harap nila; ang langit ay nanginginig; ang araw at ang buwan ay nagdidilim at itinitigil ng mga bituin ang kanilang kislap: 11 At pinatutunog ng Panginoon ang kaniyang tinig sa harap ng kaniyang hukbo; sapagka't ang kaniyang kampamento ay totoong malaki; sapagka't malakas na nagsasagawa ng kaniyang salita; sapagka't ang kaarawan ng Panginoon ay dakila at totoong kakilakilabot; at sinong makatatahan?