1 Nang unang taon ni Belsasar na hari sa Babilonia, ay nagtaglay si Daniel ng isang panaginip at mga pangitain ng kaniyang ulo sa kaniyang higaan: nang magkagayo'y kaniyang isinulat ang panaginip, at isinaysay ang kabuoan ng mga bagay. 2 Si Daniel ay nagsalita, at nagsabi, May nakita ako sa aking pangitain sa kinagabihan, at, narito, ang apat na hangin ng langit ay nagsisihihip sa malaking dagat. 3 At apat na malaking hayop na magkakaiba ay nagsiahon mula sa dagat, 4 Ang una'y gaya ng leon, at may mga pakpak ng aguila: aking minasdan hanggang sa ang mga pakpak niyao'y nahugot, at ito'y nataas mula sa lupa, at pinatayo sa dalawang paa na gaya ng isang tao; at puso ng tao ang nabigay sa kaniya. 5 At, narito, ang ibang hayop, na ikalawa, na gaya ng isang oso; at lumitaw sa isang tagiliran, at tatlong tadyang ang nasa kaniyang bibig sa pagitan ng kaniyang mga ngipin: at sinabi ng mga ito ang ganito sa kaniya, Bumangon ka, manakmal ka ng maraming laman. 6 Pagkatapos nito'y tumingin ako, at narito ang iba, gaya ng isang leopardo, na mayroon sa likod niyaon na apat na pakpak ng ibon; ang hayop ay mayroon din namang apat na ulo; at binigyan siya ng kapangyarihan. 7 Pagkatapos nito'y may nakita ako sa pangitain sa gabi, at, narito, ang ikaapat na hayop, kakilakilabot at makapangyarihan, at totoong malakas; at may malaking mga ngiping bakal; nananakmal at lumuluray, at niyuyurakan ng kaniyang mga paa ang nalabi: at kaiba sa lahat na hayop na una sa kaniya; at siya'y may sangpung sungay. 8 Aking pinagdilidili ang mga sungay, at, narito, sumibol sa gitna ng mga yaon ang ibang sungay, isang munti, na sa harap niyao'y tatlo sa mga unang sungay ay nabunot sa mga ugat: at, narito, sa sungay na ito ay may mga mata na parang mga mata ng tao, at isang bibig na nagsasalita ng mga dakilang bagay.