19 Nang magkagayo'y si Daniel na ang pangala'y Beltsasar, natigilang sangdali, at binagabag siya ng kaniyang mga pagiisip. Ang hari ay sumagot, at nagsabi, Beltsasar, huwag kang bagabagin ng panaginip, o ng kahulugan. Si Beltsasar ay sumagot, at nagsabi, Panginoon ko, ang panaginip ay mangyari nawa sa napopoot sa iyo, at ang kahulugan niyao'y mangyari nawa sa iyong mga kaaway, 20 Ang punong kahoy na iyong nakita na tumutubo, at tumitibay na ang taas ay umaabot sa langit, at ang tanaw niyao'y sa buong lupa; 21 Na ang mga daho'y magaganda, at ang bunga niyao'y marami, at pagkain sa lahat; na ang lilim ay tinatahanan ng mga hayop sa parang, at ang kaniyang mga sanga'y dinadapuan ng mga ibon sa himpapawid: 22 Ay ikaw, Oh hari, na lumalaki at nagiging malakas; sapagka't ang iyong kadakilaan ay lumaki, at umaabot hanggang sa langit, at ang iyong kapangyarihan ay hanggang sa wakas ng lupa. 23 At yamang nakita ng hari ang isang bantay at isang banal na bumababa mula sa langit, at nagsasabi, Ibuwal ninyo ang punong kahoy, at inyong lipulin; gayon ma'y itira ninyo ang tuod ng mga ugat niyaon sa lupa na magkatali ng bakal at tanso, sa murang damo sa parang, at bayaang mabasa siya ng hamog ng langit, at makasalo siya ng mga hayop sa parang, hanggang sa mangyari sa kaniya na makapito; 24 Ito ang kahulugan, Oh hari, at siyang pasiya ng kataastaasan na sumapit sa aking panginoon na hari: 25 Na ikaw ay mahihiwalay sa mga tao, at ang iyong tahanan ay mapapasama sa mga hayop sa parang, at ikaw ay pakakanin ng damo na gaya ng mga baka, at mababasa ka ng hamog ng langit, at makapitong mangyayari sa iyo; hanggang sa iyong maalaman na ang kataastaasan ay nagpupuno sa kaharian ng mga tao, at nagbibigay niyaon sa kanino mang ibigin niya. 26 At yamang kanilang iniutos na iwan ang tuod ng mga ugat ng kahoy; ang iyong kaharian ay tunay na magiging iyo, pagkatapos na iyong maalaman na ang mga langit ay nagpupuno. 27 Kaya't, Oh hari, tanggapin mo ang aking payo, at lansagin mo ng katuwiran ang iyong mga kasalanan, at ng pagpapakita ng kaawaan sa dukha ang iyong katampalasanan; baka sakaling ikatibay ng iyong katiwasayan.