4 Akong si Nabucodonosor ay nagpapahinga sa aking bahay, at gumiginhawa sa aking palasio. 5 Ako'y nakakita ng isang pangitain na tumakot sa akin; at ang pagiisip ko sa aking higaan at ang mga pangitain na suma aking ulo ay bumagabag sa akin. 6 Kaya't nagpasiya ako na iharap sa akin ang lahat na pantas sa Babilonia, upang kanilang maipaaninaw sa akin ang kahulugan ng panaginip. 7 Nang magkagayo'y nagsidating ang mga mahiko, ang mga enkantador, ang mga Caldeo, at ang mga manghuhula; at isinaysay ko ang panaginip sa harap nila; nguni't hindi nila maipaaninaw sa akin ang kahulugan niyaon. 8 Nguni't sa kahulihuliha'y dumating sa harap ko si Daniel, na ang pangala'y Beltsasar, ayon sa pangalan ng aking dios, at siyang kinaroroonan ng espiritu ng mga banal na dios: at aking isinaysay ang panaginip sa harap niya, na aking sinasabi, 9 Oh Beltsasar, na pangulo ng mga mahiko, sapagka't talastas ko na ang espiritu ng mga banal na dios ay sumasaiyo, at walang lihim na bumabagabag sa iyo, isaysay mo sa akin ang mga pangitain ng aking panaginip na aking nakita, at ang kahulugan niyaon. 10 Ganito ang mga pangitain ng aking ulo sa aking higaan, Ako'y tumitingin, at narito, ang isang punong kahoy sa gitna ng lupa, at ang taas niyao'y di kawasa. 11 Ang punong kahoy ay lumaki, at tumibay, at ang taas niyao'y umaabot hanggang sa langit, at ang tanaw niyaon hanggang sa wakas ng buong lupa. 12 Ang mga dahon niyao'y magaganda, at ang bunga niyao'y marami, at pagkain sa lahat; ang mga hayop sa parang ay may lihim sa ilalim niyaon, at ang mga ibon sa himpapawid ay nagsisitahan sa mga sanga niyaon, at ang lahat na laman ay nangabubusog doon.
13 May nakita ako sa mga pangitain ng aking ulo sa aking higaan, at, narito, isang bantay at isang banal ay bumaba mula sa langit. 14 Siya'y sumigaw ng malakas, at nagsabi ng ganito, Ibuwal ang kahoy, at putulin ang mga sanga niyan, lagasin ang mga dahon niyan, at isambulat ang mga bunga niyan: paalisin ang mga hayop sa ilalim niyan, at ang mga ibon sa mga sanga niyan. 15 Gayon ma'y inyong iwan ang tuod ng kaniyang mga ugat sa lupa, na magkatali ng bakal at tanso, sa murang damo sa parang; at bayaang mabasa siya ng hamog ng langit, at makasalo siya ng mga hayop sa damo sa lupa: 16 Bayaang ang kaniyang puso na pusong tao ay mapalitan at ang puso ng hayop ay mabigay sa kaniya; at mangyaring makapito sa kaniya. 17 Ang hatol ay sa pamamagitan ng pasiya ng mga bantay, at ang utos ay sa pamamagitan ng salita ng mga banal; upang makilala ng mga may buhay na ang Kataastaasan ay nagpupuno sa kaharian ng mga tao, at ibinibigay niya ito sa kanino mang kaniyang ibigin, at itinataas niya sa kaniya ang pinakamababa sa mga tao. 18 Akong si Nabucodonosor na hari ay nakakita ng panaginip na ito: at ikaw, Oh Beltsasar, ipahayag ang kahulugan, sapagka't lahat na pantas sa aking kaharian ay hindi makapagpaaninaw sa akin ng kahulugan; nguni't maipaaaninaw mo; sapagka't ang espiritu ng mga banal na dios ay sumasa iyo.