The Altar

Ezekiel 43

13 At ito ang mga sukat ng dambana ayon sa mga siko (ang siko na pinakasukat ay isang siko at isang lapad ng kamay): ang patungan ay isang siko, at ang luwang ay isang siko, at ang gilid niyaon sa palibot ay isang dangkal; at ito ang magiging patungan ng dambana. 14 At mula sa patungan sa lupa sa lalong mababang grado ay malalagay na dalawang siko, at ang luwang ay isang siko; at mula sa lalong mababang grado hanggang sa lalong mataas na grado ay malalagay na apat na siko, at ang luwang ay isang siko. 15 At ang lalong mataas na dambana ay magiging apat na siko; at mula sa apuyan ng dambana hanggang sa dakong itaas ay magkakaroon ng apat na sungay. 16 At ang apuyan ng dambana ay magkakaroon ng labing dalawang siko ang haba at labing dalawa ang luwang, parisukat sa apat na tagiliran niyaon. 17 At ang patungan niyaon ay magkakaroon ng labing apat na siko ang haba at labing apat na siko ang luwang sa apat na tagiliran niyaon; at ang gilid sa palibot ay magiging kalahating siko; at ang patungan niyaon ay magiging isang siko sa palibot; at ang mga baytang niyaon ay paharap sa dakong silanganan.

18 At sinabi niya sa akin, Anak ng tao, ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Ito ang mga alituntunin tungkol sa dambana sa kaarawan na kanilang gagawin, upang paghandugan sa ibabaw ng mga handog na susunugin, at upang pagwisikan ng dugo. 19 Iyong ibibigay sa mga saserdote na mga Levita na sa angkan ni Sadoc na malapit sa akin, upang magsipangasiwa sa akin, sabi ng Panginoong Dios, ang isang guyang baka na pinakahandog dahil sa kasalanan. 20 At kukuha ka ng dugo niyaon, at ilalagay mo sa apat na sungay niyaon, at sa apat na sulok ng patungan, at sa laylayan sa palibot: ganito mo lilinisin yaon at tutubusin ito. 21 Iyo rin namang kukunin ang guyang toro na handog dahil sa kasalanan, at susunugin mo sa takdang dako ng bahay, sa labas ng santuario. 22 At sa ikalawang araw ay maghahandog ka ng kambing na lalake na walang kapintasan na pinakahandog dahil sa kasalanan; at kanilang lilinisin ang dambana gaya ng kanilang pagkalilis sa pamamagitan ng guyang toro. 23 Pagka ikaw ay nakatapos ng paglilinis, maghahandog ka ng isang guyang toro na walang kapintasan, at isang lalaking tupa na mula sa kawan na walang kapintasan. 24 At iyong ilalapit ang mga yaon sa harap ng Panginoon, at hahagisan ng asin ang mga yaon ng mga saserdote, at kanilang ihahandog na pinakahandog na susunugin sa Panginoon. 25 Pitong araw na maghahanda ka sa bawa't araw ng isang kambing na pinakahandog dahil sa kasalanan: maghahanda rin sila ng guyang toro, at isang lalaking tupang mula sa kawan, na walang kapintasan. 26 Pitong araw na kanilang tutubusin ang dambana at lilinisin; gayon nila itatalaga. 27 At pagka kanilang naganap ang mga kaarawan, mangyayari na sa ikawalong araw, at sa haharapin, maghahandog ang mga saserdote ng inyong mga handog na susunugin sa ibabaw ng dambana, at ang inyong mga handog tungkol sa kapayapaan; at aking tatanggapin kayo, sabi ng Panginoong Dios.

Next Book Next Book