1 Pagkatapos ay dinala niya ako sa pintuang-daan, sa makatuwid baga'y sa pintuang-daan na nakaharap sa dakong silanganan. 2 At, narito, ang kaluwalhatian ng Dios ng Israel ay nanggagaling sa dakong silanganan: at ang kaniyang tinig ay gaya ng lagaslas ng maraming tubig; at ang lupa ay nagningning sa kaniyang kaluwalhatian. 3 At ayon sa anyo ng pangitain na aking nakita, ayon sa pangitain na nakita ko nang ako'y pumaroon upang gibain ang bayan; at ang mga pangitain ay gaya ng pangitain na aking nakita sa tabi ng ilog Chebar: at ako'y nasubasob. 4 At ang kaluwalhatian ng Panginoon ay pumasok sa bahay sa daan ng pintuang-daan na nakaharap sa dakong silanganan. 5 At itinaas ako ng Espiritu, at dinala ako sa lalong loob na looban; at, narito, napuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang bahay.
6 At aking narinig ang isang nagsasalita sa akin mula sa bahay; at isang lalake ay tumayo sa siping ko. 7 At sinabi niya sa akin, Anak ng tao, ito ang dako ng aking luklukan, at dako ng mga talampakan ng aking mga paa, na aking tatahanan sa gitna ng mga anak ni Israel magpakailan man. At hindi na lalapastanganin pa ng sangbahayan ni Israel ang aking banal na pangalan, nila man, o ng kanilang mga hari man, ng kanilang pagpapatutot, at ng mga bangkay man ng kanilang mga hari sa kanilang mga mataas na dako; 8 Sa kanilang paglalagay ng kanilang pasukan sa tabi ng aking pasukan, at ng kanilang haligi ng pintuan sa tabi ng aking haligi ng pintuan, at wala kundi pader sa pagitan ko at nila; at kanilang nilapastangan ang aking banal na pangalan sa pamamagitan ng kanilang mga kasuklamsuklam na kanilang ginawa: kaya't aking pinugnaw sila sa aking galit. 9 Iwan nga nila ang kanilang pagpapatutot, at ilayo sa akin ang mga bangkay ng kanilang mga hari, at ako'y tatahan sa gitna nila magpakailan man.
10 Ikaw, anak ng tao, ituro mo ang bahay sa sangbahayan ni Israel, upang sila'y mangapahiya sa kanilang mga kasamaan; at sukatin nila ang anyo. 11 At kung sila'y mangapahiya sa lahat nilang ginawa, ipakilala mo sa kanila ang anyo ng bahay, at ang pagka-anyo niyaon, at ang mga labasan niyaon, at ang mga pasukan niyaon, at lahat ng anyo niyaon, at ang lahat ng mga alituntunin niyaon, at lahat ng anyo niyaon, at lahat ng kautusan niyaon; at iyong isulat yaon sa kanilang paningin; upang kanilang maingatan ang buong anyo niyaon, at ang lahat ng mga alituntunin niyaon, at kanilang isagawa. 12 Ito ang kautusan tungkol sa bahay; ang taluktok ng bundok sa buong hangganan niyaon sa palibot ay magiging kabanalbanalan. Narito, ito ang kautusan tungkol sa bahay.