28 Nang magkagayo'y dinala niya ako sa lalong loob na looban sa tabi ng pintuang-daan sa timugan: at kaniyang sinukat ang pintuang-daang timugan ayon sa mga sukat ding ito; 29 At ang mga silid ng bantay niyaon, at ang mga hubog niyaon, ay ayon sa mga sukat na ito: at may mga dungawan yaon, at gayon din sa mga hubog niyaon sa palibot; may limang pung siko ang haba, at dalawang pu't limang siko ang luwang. 30 At may mga hubog sa palibot, na dalawang pu't limang siko ang haba, at limang siko ang luwang. 31 At ang mga hubog niyaon ay nangasa dako ng looban sa labas; at mga puno ng palma ang nangasa mga haligi niyaon: at ang sampahan ay may walong baytang.
32 At dinala niya ako sa lalong loob na looban sa dakong silanganan; at sinukat niya ang pintuang-daan ayon sa mga sukat na ito. 33 At ang mga silid ng bantay niyaon, at ang mga haligi niyaon, at ang mga hubog niyaon, ayon sa mga sukat na ito: at may mga dungawan sa loob at sa mga hubog niyaon sa palibot: may limang pung siko ang haba, at dalawang pu't limang siko ang luwang. 34 At ang mga hubog niyaon ay nangasa dako ng looban sa labas; at mga puno ng palma ang nangasa mga haligi niyaon, sa dakong ito, at sa dakong yaon: at ang sampahan ay may walong baytang.
35 At dinala niya ako sa pintuang-daang hilagaan: at sinukat niya ayon sa mga sukat na ito; 36 Ang mga silid ng bantay niyaon, ang mga haligi niyaon, at ang mga hubog niyaon: at may mga dungawan sa loob sa palibot; ang haba ay limang pung siko, at ang luwang ay dalawang pu't limang siko. 37 At ang mga haligi niyaon ay nangasa dako ng looban sa labas; at mga puno ng palma ang nangasa haligi niyaon, sa dakong ito, at sa dakong yaon: at ang sampahan ay may walong baytang.
38 At isang silid na may pintuan ay nasa tabi ng mga haligi sa mga pintuang-daan; doon sila naghugas ng handog na susunugin. 39 At sa portiko ng pintuang-daan ay may dalawang dulang sa dakong ito, at dalawang dulang sa dakong yaon, upang patayin doon ang handog na susunugin, at ang handog dahil sa kasalanan at ang handog dahil sa pagkakasala. 40 At sa isang dako sa labas na gaya ng kung sasampa sa pasukan ng pintuang-daan sa dakong hilagaan ay may dalawang dulang; at sa kabilang dako, na ukol sa portiko ng pintuang-daan, ay may dalawang dulang. 41 Apat na dulang sa dakong ito, at apat na dulang sa dakong yaon sa tabi ng pintuang-daan; walong dulang ang kanilang pinagpatayan ng mga hain. 42 At may apat na dulang na ukol sa handog na susunugin, na batong tinabas, na isang siko at kalahati ang haba, at isang siko at kalahati ang luwang, at isang siko ang taas; na kanilang pinaglapagan ng mga kasangkapan na kanilang ipinagpatay sa handog na susunugin at sa hain. 43 At ang mga pangipit na may isang lapad ng kamay ang haba, ay natitibayan sa loob sa palibot; at nasa ibabaw ng mga dulang ang laman na alay.