1 Nang ikadalawang pu't limang taon ng aming pagkabihag, nang pasimula ng taon, nang ikasangpung araw ng buwan, nang ikalabing apat na taon pagkatapos na ang bayan ay masaktan nang kaarawang yaon, ang kamay ng Panginoon ay sumaakin, at dinala niya ako roon. 2 Sa mga pangitain na mula sa Dios ay dinala niya ako sa lupain ng Israel, at inilagay ako sa totoong mataas na bundok, na kinaroroonan ng parang isang bayan sa timugan. 3 At dinala niya ako roon; at, narito, may isang lalake na ang anyo ay parang anyo ng tanso, na may pising lino sa kaniyang kamay, at isang panukat na tambo; at siya'y natayo sa pintuang-bayan. 4 At sinabi ng lalake sa akin, Anak ng tao, tumingin ka ng iyong mga mata, at makinig ka ng iyong mga pakinig, at ilagak mo ang iyong puso sa lahat na aking ipakikita sa iyo; sapagka't sa haka na aking mga maipakikita sa iyo ay dinala ka rito: ipahayag mo ang lahat na iyong nakikita sa sangbahayan ni Israel.
5 At, narito; isang kuta sa dakong labas ng bahay sa palibot, at sa kamay ng lalake ay isang panukat na tambo na may anim na siko ang haba, na tigisang siko at isang dangkal ang luwang ng bawa't isa: sa gayo'y kaniyang sinukat ang luwang ng bahay, na isang tambo; at ang taas, isang tambo. 6 Nang magkagayo'y naparoon siya sa pintuang-daan, na nakaharap sa dakong silanganan, at sumampa sa mga baytang niyaon: at kaniyang sinukat ang pasukan sa pintuang-daan, isang tambo ang luwang; at ang kabilang pasukan, isang tambo ang luwang. 7 At bawa't silid ng bahay ay isang tambo ang haba, at isang tambo ang luwang; at ang pagitan ng mga silid ng bantay ay limang siko; at ang pasukan sa pintuang-daan sa tabi ng portiko sa pintuang-daan sa dako ng bahay ay isang tambo. 8 Kaniya rin namang sinukat ang portiko sa pintuang-daan sa dakong bahay, isang tambo. 9 Nang magkagayo'y sinukat niya ang portiko sa pintuang-daan, walong siko; at ang mga haligi niyaon, dalawang siko; at ang portiko sa pintuang-daan ay nasa dako ng bahay. 10 At ang mga silid ng bantay ng pintuang-daan sa dakong silanganan ay tatlo sa dakong ito, at tatlo sa dakong yaon; ang tatlo ay iisang sukat: at ang mga haligi ng pintuan ay iisang sukat sa dakong ito, at sa dakong yaon. 11 At kaniyang sinukat ang luwang ng pasukan ng pintuang-daan, sangpung siko; at ang haba ng pintuang-daan, labing tatlong siko; 12 At ang pagitan sa harap ng mga silid ng bantay, isang siko sa dakong ito, at ang isang pagitan, isang siko sa dakong yaon; at ang mga silid ng bantay, anim na siko sa dakong ito, at anim na siko sa dakong yaon; 13 At kaniyang sinukat ang pintuang-daan mula sa bubungan ng isang silid ng bantayan hanggang sa bubungan ng kabila, may luwang na dalawang pu't limang siko; pintuan sa tapat ng pintuan. 14 Gumawa naman siya ng mga haligi ng pintuan, na anim na pung siko; at ang looban ay hanggang sa haligi, ang pintuang-daan ay sa palibot. 15 At mula sa harap ng pintuang-daan sa pasukan hanggang sa harap ng pinakaloob na portiko sa pintuang-daan ay limang pung siko. 16 At may makikipot na dungawan sa mga silid ng bantay, at sa mga haligi ng mga yaon sa loob ng pintuang-daan sa palibot, at gayon din sa mga hubog; at ang mga dungawan ay nangasa palibot sa dakong loob; at sa bawa't haligi ay may mga puno ng palma.
17 Nang magkagayo'y dinala niya ako sa loob ng looban sa labas; at, narito, may mga silid at may isang lapag na ginawa sa palibot ng looban: tatlong pung silid ang nasa lapag. 18 At ang lapag ay nasa tabi ng mga pintuang-daan, ayon sa haba ng mga pintuang-daan, sa makatuwid baga'y ang lalong mababang lapag. 19 Nang magkagayo'y kaniyang sinukat ang luwang mula sa harap ng lalong mababang pintuang-daan hanggang sa harap ng pinakaloob na looban sa may labas, na isang daang siko, sa dakong silanganan at gayon din sa dakong hilagaan.
20 At ang pintuang-daan ng looban sa labas na nakaharap sa dakong hilagaan, kaniyang sinukat ang haba niyaon at ang luwang niyaon. 21 At ang mga silid ng bantay niyaon ay tatlo sa dakong ito at tatlo sa dakong yaon; at ang mga haligi niyaon at ang mga hubog niyaon ay ayon sa sukat ng unang pintuang-daan: ang haba niyaon ay limang pung siko, at ang luwang ay dalawang pu't limang siko. 22 At ang mga dungawan niyaon, at ang mga hubog niyaon, at ang mga puno ng palma niyaon ay ayon sa sukat ng pintuang-daan na nakaharap sa dakong silanganan; at kanilang sinampa ng pitong baytang; at ang mga hubog niyaon ay nangasa harap nila. 23 At may pintuang-daan sa lalong loob na looban sa tapat ng kabilang pintuang-daan, sa dakong hilagaan at gayon din sa dakong silanganan; at kaniyang sinukat mula sa pintuang-daan hanggang sa pintuang-daan na isang daang siko.
24 At dinala niya ako sa dakong timugan; at, narito, ang isang pintuang-daan sa dakong timugan: at kaniyang sinukat ang mga haligi niyaon, at ang mga hubog niyaon ayon sa mga sukat na ito. 25 At may mga dungawan doon at sa mga hubog niyaon sa palibot, gaya ng mga dungawang yaon: ang haba ay limang pung siko, at ang luwang ay dalawang pu't limang siko. 26 At may pitong baytang na sampahan, at ang mga hubog niyaon ay nangasa harap ng mga yaon; at may mga puno ng palma; sa dakong ito, at isa sa dakong yaon, sa mga haligi niyaon. 27 At may pintuang-daan sa lalong loob na looban sa dakong timugan: at kaniyang sinukat mula sa pintuang-daan hanggang sa pintuang-daan sa dakong timugan na isang daang siko.
28 Nang magkagayo'y dinala niya ako sa lalong loob na looban sa tabi ng pintuang-daan sa timugan: at kaniyang sinukat ang pintuang-daang timugan ayon sa mga sukat ding ito; 29 At ang mga silid ng bantay niyaon, at ang mga hubog niyaon, ay ayon sa mga sukat na ito: at may mga dungawan yaon, at gayon din sa mga hubog niyaon sa palibot; may limang pung siko ang haba, at dalawang pu't limang siko ang luwang. 30 At may mga hubog sa palibot, na dalawang pu't limang siko ang haba, at limang siko ang luwang. 31 At ang mga hubog niyaon ay nangasa dako ng looban sa labas; at mga puno ng palma ang nangasa mga haligi niyaon: at ang sampahan ay may walong baytang.
32 At dinala niya ako sa lalong loob na looban sa dakong silanganan; at sinukat niya ang pintuang-daan ayon sa mga sukat na ito. 33 At ang mga silid ng bantay niyaon, at ang mga haligi niyaon, at ang mga hubog niyaon, ayon sa mga sukat na ito: at may mga dungawan sa loob at sa mga hubog niyaon sa palibot: may limang pung siko ang haba, at dalawang pu't limang siko ang luwang. 34 At ang mga hubog niyaon ay nangasa dako ng looban sa labas; at mga puno ng palma ang nangasa mga haligi niyaon, sa dakong ito, at sa dakong yaon: at ang sampahan ay may walong baytang.
35 At dinala niya ako sa pintuang-daang hilagaan: at sinukat niya ayon sa mga sukat na ito; 36 Ang mga silid ng bantay niyaon, ang mga haligi niyaon, at ang mga hubog niyaon: at may mga dungawan sa loob sa palibot; ang haba ay limang pung siko, at ang luwang ay dalawang pu't limang siko. 37 At ang mga haligi niyaon ay nangasa dako ng looban sa labas; at mga puno ng palma ang nangasa haligi niyaon, sa dakong ito, at sa dakong yaon: at ang sampahan ay may walong baytang.
38 At isang silid na may pintuan ay nasa tabi ng mga haligi sa mga pintuang-daan; doon sila naghugas ng handog na susunugin. 39 At sa portiko ng pintuang-daan ay may dalawang dulang sa dakong ito, at dalawang dulang sa dakong yaon, upang patayin doon ang handog na susunugin, at ang handog dahil sa kasalanan at ang handog dahil sa pagkakasala. 40 At sa isang dako sa labas na gaya ng kung sasampa sa pasukan ng pintuang-daan sa dakong hilagaan ay may dalawang dulang; at sa kabilang dako, na ukol sa portiko ng pintuang-daan, ay may dalawang dulang. 41 Apat na dulang sa dakong ito, at apat na dulang sa dakong yaon sa tabi ng pintuang-daan; walong dulang ang kanilang pinagpatayan ng mga hain. 42 At may apat na dulang na ukol sa handog na susunugin, na batong tinabas, na isang siko at kalahati ang haba, at isang siko at kalahati ang luwang, at isang siko ang taas; na kanilang pinaglapagan ng mga kasangkapan na kanilang ipinagpatay sa handog na susunugin at sa hain. 43 At ang mga pangipit na may isang lapad ng kamay ang haba, ay natitibayan sa loob sa palibot; at nasa ibabaw ng mga dulang ang laman na alay.
44 At sa labas ng lalong loob na pintuang-daan ay may mga silid na ukol sa mga mangaawit sa lalong loob na looban, na nasa tabi ng pintuang-daang hilagaan; at mga nakaharap sa timugan; isa sa dako ng silanganang daan na nahaharap sa dakong hilagaan. 45 At kaniyang sinabi sa akin, Ang silid na ito na nakaharap sa dakong timugan, ay sa mga saserdote, sa mga namamahala sa bahay; 46 At ang silid na nakaharap sa dakong hilagaan ay sa mga saserdote, na mga namamahala sa dambana: ang mga ito ay mga anak ni Sadoc, na sa mga anak ni Levi ay nagsilapit sa Panginoon upang magsipangasiwa sa kaniya. 47 At sinukat niya ang looban na isang daang siko ang haba, at isang daang siko ang luwang, parisukat; at ang dambana ay nasa harap ng bahay.
48 Nang magkagayo'y dinala niya ako sa portiko ng bahay, at sinukat niya ang bawa't haligi ng portiko na limang siko sa dakong ito, at limang siko sa dakong yaon: at ang luwang ng pintuang-daan ay tatlong siko sa dakong ito, at tatlong siko sa dakong yaon. 49 Ang haba ng portiko ay dalawang pung siko, at ang luwang ay labing isang siko: kahit sa pamamagitan ng mga baytang na kanilang sinampahan: at may mga haligi, isa sa dakong ito, at isa sa dakong yaon.