Prophecy Against Gog

Ezekiel 38

1 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi, 2 Anak ng tao, iharap mo ang iyong mukha sa dako ni Gog, sa lupain ng Magog, na prinsipe sa Ros, sa Mesech, at sa Tubal, at manghula ka laban sa kaniya, 3 At iyong sabihin, ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Narito, ako'y laban sa iyo, Oh Gog, na pangulo sa Ros, sa Mesech, at sa Tubal: 4 At aking ipipihit ka sa palibot, at kakawitan ko ng mga pangbingwit ang iyong mga panga, at ilalabas kita, at ang iyong buong kawal, mga kabayo at mga mangangabayo, na nasusuutan silang lahat ng buong kasakbatan, na malaking pulutong na may longki at kalasag, silang lahat ay nangagtatangan ng mga tabak: 5 Ang Persia, ang Cus, at ang Phut ay kasama nila; silang lahat na may kalasag at turbante; 6 Ang Gomer at ang lahat niyang mga pulutong; ang sangbahayan ni Togarma sa mga pinakahuling bahagi ng hilagaan, at lahat niyang mga pulutong; maraming bayan na kasama mo.

7 Humanda ka, oo, humanda ka, ikaw, at ang lahat ng iyong mga pulutong na napisan ko sa iyo, at maging bantay ka sa kanila. 8 Pagkatapos ng maraming araw ay dadalawin ka: sa mga huling taon ay papasok ka sa lupain na ibinalik na mula sa paghabol ng tabak na napisan mula sa maraming bayan, sa mga bundok ng Israel, na naging laging giba; nguni't nalabas sa mga bayan, at sila'y magsisitahang tiwasay, silang lahat. 9 At ikaw ay sasampa, ikaw ay darating na parang bagyo, ikaw ay magiging parang ulap na tatakip sa lupain, ikaw, at ang lahat mong mga pulutong, at ang maraming tao na kasama mo.

10 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Mangyayari sa araw na yaon, na mga bagay ay darating sa iyong pagiisip, at ikaw ay magpapanukala ng masamang panukala: 11 At iyong sasabihin, Ako'y sasampa sa lupaing may mga nayong walang kuta; sasampahin ko sila na nasa katahimikan, na nagsisitahang tiwasay, silang lahat na nagsisitahang walang kuta, at wala kahit mga halang o mga pintuang-bayan man; 12 Upang kumuha ng samsam, at upang kumuha ng huli; upang ibalik ang iyong kamay laban sa mga gibang dako na tinatahanan ngayon, at laban sa bayan na napisan mula sa mga bansa, na nagtangkilik ng mga hayop at mga pag-aari, na nagsisitahan sa gitna ng lupa. 13 Ang Seba, at ang Dedan, at ang mga mangangalakal sa Tarsis, sangpu ng lahat ng batang leon niyaon, ay magsasabi sa iyo, Naparito ka baga upang kumuha ng samsam? pinisan mo baga ang iyong pulutong upang kumuha ng samsam? upang magdala ng pilak at ginto, upang magdala ng mga hayop at mga pag-aari, upang kumuha ng malaking samsam?

14 Kaya't, anak ng tao, ikaw ay manghula, at sabihin mo kay Gog, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Sa araw na ang aking bayang Israel ay tatahang tiwasay, hindi mo baga malalaman? 15 At ikaw ay darating na mula sa iyong dako, mula sa mga kahulihulihang bahagi ng hilagaan, ikaw, at ang maraming tao na kasama mo, silang lahat na nangakasakay sa mga kabayo, malaking pulutong at makapangyarihang hukbo; 16 At ikaw ay sasampa laban sa aking bayang Israel, na parang ulap na tatakip sa lupain: mangyayari sa mga huling araw, na dadalhin kita laban sa aking lupain, upang makilala ako ng mga bansa, pagka ako'y aariing banal sa iyo, Oh Gog, sa harap ng kanilang mga mata.

17 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Ikaw baga yaong aking sinalita nang una sa pamamagitan ng aking mga lingkod na mga propeta ng Israel, na nagsipanghula nang mga araw na yaon, ng tungkol sa malaong panahon, na aking dadalhin ka laban sa kanila? 18 At mangyayari sa araw na yaon, pagka si Gog ay paroroon laban sa lupain ng Israel, sabi ng Panginoong Dios, na ang aking kapusukan ay sasampa sa aking mga butas ng ilong. 19 Sapagka't sa aking paninibugho at sa sigalbo ng aking poot ay nagsalita ako, Tunay na sa araw na yaon ay magkakaroon ng malaking panginginig sa lupain ng Israel; 20 Na anopa't ang mga isda sa dagat, at ang mga ibon sa himpapawid, at ang mga hayop sa parang, at lahat na nagsisiusad na bagay na nagsisiusad sa ibabaw ng lupa, at lahat ng tao na nangasa ibabaw ng lupa, magsisipanginig sa aking harapan, at ang mga bundok ay mangaguguho at ang mga matarik na dako ay mangabababa, at bawa't kuta ay mangababagsak sa lupa. 21 At aking tatawagin sa lahat ng aking mga bundok ang tabak laban sa kaniya, sabi ng Panginoong Dios: ang tabak ng bawa't lalake ay magiging laban sa kaniyang kapatid. 22 At ako'y makikipaglaban sa kaniya sa pamamagitan ng salot at ng dugo; at pauulanan ko siya, at ang kaniyang mga pulutong, at ang maraming bayan na kasama niya, ng napakalakas na ulan, at ng mga malaking granizo, ng apoy, at ng azufre. 23 At ako'y pakikitang dakila at banal, at ako'y pakikilala sa harap ng mga mata ng maraming bansa; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon.

Ezekiel 39

1 At ikaw, anak ng tao, manghula ka laban kay Gog, at iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Narito, ako'y laban sa iyo, Oh Gog, na prinsipe sa Ros, sa Mesech, at sa Tubal: 2 At aking ipipihit ka sa palibot, at ihahatid kita, at pasasampahin kita mula sa mga pinakahuling bahagi ng hilagaan; at aking dadalhin ka sa mga bundok ng Israel; 3 At aking sisirain ang iyong busog sa iyong kaliwa, at aking ihuhulog ang iyong pana sa iyong kanan. 4 Ikaw ay mabubuwal sa mga bundok ng Israel, ikaw, at ang lahat mong mga pulutong, at ang mga bayan na kasama mo: aking ibibigay ka sa mga mangdadagit na ibong sarisari, at sa mga hayop sa parang upang lamunin ka. 5 Ikaw ay mabubuwal sa luwal na parang: sapagka't aking sinalita, sabi ng Panginoong Dios. 6 At ako'y magpapasapit ng apoy sa Magog, at sa kanilang nagsisitahang tiwasay sa mga pulo; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon.

7 At ang aking banal na pangalan ay ipakikilala ko sa gitna ng aking bayang Israel; at hindi ko man titiising malapastangan pa ang aking banal na pangalan: at malalaman ng mga bansa na ako ang Panginoon, ang banal sa Israel. 8 Narito, dumarating, at mangyayari, sabi ng Panginoong Dios; ito ang araw na aking sinalita.

9 At silang nagsisitahan sa mga bayan ng Israel ay magsisilabas, at sisilaban ng mga apoy ang mga almas, at susunugin ang mga kalasag at gayon din ang mga longki, ang mga busog at ang mga pana, at ang mga tungkod, at ang mga sibat, at mga sisilaban nilang pitong taon; 10 Na anopa't sila'y hindi magsisikuha ng kahoy sa parang, o magsisiputol man ng anoman sa mga gubat; sapagka't kanilang sisilaban ang mga almas; at kanilang sasamsaman yaong nagsisamsam sa kanila, at nanakawan yaong nangagnakaw sa kanila, sabi ng Panginoong Dios.

11 At mangyayari sa araw na yaon, na ako'y magbibigay kay Gog ng dakong pinakalibangan sa Israel, ang libis nila na nagsisidaang patungo sa silanganan ng dagat: at paglilikatan nilang daanan; at doon nila ililibing si Gog at ang buo niyang karamihan; at kanilang tatawagin ito: Ang libis ng Hamon-gog. 12 At pitong buwan na mangaglilibing ang sangbahayan ni Israel, upang kanilang linisin ang lupain. 13 Oo, sila'y mangaglilibing ng buong bayan ng lupain; at magiging sa kanila'y kabantugan, sa araw na ako'y luluwalhati, sabi ng Panginoong Dios. 14 At sila'y mangaghahalal ng mga lalaking magkakatungkulang palagi, na mangagdaraan sa lupain at, kasama nilang nangagdaraan, silang nangaglilibing ng nalabi sa ibabaw ng lupain, upang linisin: pagkatapos ng pitong buwan ay mangagsisihanap sila. 15 At silang nangagdaraan sa lupain ay mangagdaraan; at pagka ang sinoman ay nakakita ng buto ng tao, lalagyan nga niya ng tanda, hanggang sa mailibing ng mga manglilibing sa libis ng Hamon-gog. 16 At Hamonah ang magiging pangalan ng bayan. Ganito nila lilinisin ang lupain.

17 At ikaw, anak ng tao, ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Salitain mo sa sarisaring ibon, at sa lahat na hayop sa parang, Magpupulong kayo, at kayo'y magsiparito; magpipisan kayo sa lahat ng dako sa aking hain na aking inihahain sa inyo, sa malaking hain sa ibabaw ng mga bundok ng Israel, upang kayo'y mangakakain ng laman at mangakainom ng dugo. 18 Kayo'y magsisikain ng laman ng makapangyarihan, at magsisiinom ng dugo ng mga prinsipe sa lupa, ng mga lalaking tupa, ng mga batang tupa, at ng mga kambing, ng mga toro, na pawang patabain sa Basan. 19 At kayo'y magsisikain ng taba hanggang sa kayo'y mangabusog, at magsisiinom ng dugo hanggang sa kayo'y mangalango, sa aking hain na aking inihain sa inyo. 20 At kayo'y mangabubusog sa aking dulang ng mga kabayo at mga karo, ng mga makapangyarihang lalake, at ng lahat na lalaking mangdidigma, sabi ng Panginoong Dios.

21 At aking pararatingin ang aking kaluwalhatian sa mga bansa; at makikita ng lahat ng bansa ang aking kahatulan na aking inilapat, at ang aking kamay na aking binuhat sa kanila. 22 Sa gayo'y malalaman ng sangbahayan ni Israel na ako ang Panginoon na kanilang Dios, mula sa araw na yaon hanggang sa haharapin. 23 At malalaman ng mga bansa na ang sangbahayan ni Israel ay pumasok sa pagkabihag dahil sa kanilang kasamaan; sapagka't sila'y nagsisalangsang laban sa akin, at ikinubli ko ang aking mukha sa kanila: sa gayo'y ibinigay ko sila sa kamay ng kanilang mga kaaway, at silang lahat ay nangabuwal sa pamamagitan ng tabak. 24 Ayon sa kanilang karumihan at ayon sa kanilang mga pagsalangsang ay gumawa ako sa kanila; at ikinubli ko ang aking mukha sa kanila.

Next Book Next Book