1 At gagawa ka ng isang dambana na mapagsusunugan ng kamangyan: na kahoy na akasia iyong gagawin. 2 Isang siko magkakaroon ang haba niyaon, at isang siko ang luwang niyaon; parisukat nga: at dalawang siko magkakaroon ang taas niyaon: ang mga anyong sungay niyaon ay kaputol din. 3 At iyong babalutin ng taganas na ginto ang ibabaw niyaon, at ang mga tagiliran niyaon sa palibot, at ang mga sungay niyaon; at igagawa mo ng isang kornisang ginto sa palibot. 4 At igagawa mo yaon ng dalawang argolyang ginto sa ilalim ng kornisa, sa dakong itaas ng dalawang tagiliran iyong gagawin; at magiging suutan ng mga pingga upang mabuhat. 5 At ang iyong gagawing mga pingga ay kahoy na akasia, at iyong babalutin ng ginto. 6 At iyong ilalagay sa harap ng tabing na nasa siping ng kaban ng patotoo, sa harap ng luklukan ng awa na nasa ibabaw ng kaban ng patotoo, na aking pakikipagtagpuan sa iyo. 7 At magsusunog si Aaron sa ibabaw niyaon ng kamangyan na mababangong espesia: tuwing umaga pagka kaniyang inaayos ang mga ilawan, ay susunugin niya. 8 At pagka sinisindihan ni Aaron ang mga ilawan sa hapon, ay kaniyang susunugin, na isang kamangyang palagi sa harap ng Panginoon, sa buong panahon ng inyong mga lahi. 9 Huwag kayong maghahandog ng ibang kamangyan sa ibabaw niyaon, o ng handog na susunugin, o ng handog na harina man: at huwag kayong magbubuhos ng inuming handog sa ibabaw niyaon. 10 At si Aaron ay tutubos ng sala sa ibabaw ng mga anyong sungay ng dambana, minsan sa isang taon: kaniyang tutubusin sa sala na minsan sa isang taon, ng dugo ng handog dahil sa kasalanan, sa buong panahon ng inyong mga lahi: kabanal-banalan nga sa Panginoon.