1 At gagawa ka ng isang dambana na mapagsusunugan ng kamangyan: na kahoy na akasia iyong gagawin. 2 Isang siko magkakaroon ang haba niyaon, at isang siko ang luwang niyaon; parisukat nga: at dalawang siko magkakaroon ang taas niyaon: ang mga anyong sungay niyaon ay kaputol din. 3 At iyong babalutin ng taganas na ginto ang ibabaw niyaon, at ang mga tagiliran niyaon sa palibot, at ang mga sungay niyaon; at igagawa mo ng isang kornisang ginto sa palibot. 4 At igagawa mo yaon ng dalawang argolyang ginto sa ilalim ng kornisa, sa dakong itaas ng dalawang tagiliran iyong gagawin; at magiging suutan ng mga pingga upang mabuhat. 5 At ang iyong gagawing mga pingga ay kahoy na akasia, at iyong babalutin ng ginto. 6 At iyong ilalagay sa harap ng tabing na nasa siping ng kaban ng patotoo, sa harap ng luklukan ng awa na nasa ibabaw ng kaban ng patotoo, na aking pakikipagtagpuan sa iyo. 7 At magsusunog si Aaron sa ibabaw niyaon ng kamangyan na mababangong espesia: tuwing umaga pagka kaniyang inaayos ang mga ilawan, ay susunugin niya. 8 At pagka sinisindihan ni Aaron ang mga ilawan sa hapon, ay kaniyang susunugin, na isang kamangyang palagi sa harap ng Panginoon, sa buong panahon ng inyong mga lahi. 9 Huwag kayong maghahandog ng ibang kamangyan sa ibabaw niyaon, o ng handog na susunugin, o ng handog na harina man: at huwag kayong magbubuhos ng inuming handog sa ibabaw niyaon. 10 At si Aaron ay tutubos ng sala sa ibabaw ng mga anyong sungay ng dambana, minsan sa isang taon: kaniyang tutubusin sa sala na minsan sa isang taon, ng dugo ng handog dahil sa kasalanan, sa buong panahon ng inyong mga lahi: kabanal-banalan nga sa Panginoon.
11 At ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi, 12 Pagbilang mo sa mga anak ni Israel, ayon sa mga nabilang sa kanila ay magbibigay nga ang bawa't isa sa kanila ng katubusan ng kaniyang kaluluwa sa Panginoon, pagka iyong binibilang sila; upang huwag magkaroon ng salot sa gitna nila pagka iyong binibilang sila. 13 Ito ang kanilang ibibigay, bawa't maraanan sa kanila na nangabibilang: kalahati ng isang siklo ayon sa siklo ng santuario: (ang isang siklo ay dalawang pung gera): kalahating siklo na pinakahandog sa Panginoon. 14 Bawa't maraanan sa kanila na nangabibilang, mula sa dalawang pung taong gulang na patanda, ay magbibigay ng handog sa Panginoon. 15 Ang mayaman ay hindi magbibigay ng higit, at ang dukha ay hindi magbibigay ng kulang sa kalahating siklo, pagbibigay nila ng handog sa Panginoon, upang ipangtubos sa inyong mga kaluluwa. 16 At iyong kukunin sa mga anak ni Israel ang pangtubos na salapi, at iyong gugugulin sa paglilingkod sa tabernakulo ng kapisanan; na maging pinakaalaala sa mga anak ni Israel sa harap ng Panginoon, upang ipangtubos sa inyong mga kaluluwa.
17 At ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi, 18 Gagawa ka rin ng isang hugasang tanso, at ang tungtungan ay tanso, upang paghugasan: at iyong ilalagay sa gitna ng tabernakulo ng kapisanan at ng dambana at iyong sisidlan ng tubig. 19 At si Aaron at ang kaniyang mga anak ay maghuhugas doon ng kanilang mga paa: 20 Pagka sila'y pumapasok sa tabernakulo ng kapisanan, ay maghuhugas sila ng tubig, upang sila'y huwag mamatay, o pagka sila'y lumalapit sa dambana na mangasiwa, upang magsunog ng handog na pinaraan sa apoy sa Panginoon. 21 Gayon sila maghuhugas ng kanilang mga kamay at ng kanilang mga paa upang huwag silang mamatay: at magiging isang palatuntunan magpakailan man sa kanila, sa kaniya at sa kaniyang binhi, sa buong panahon ng kanilang mga lahi.
22 Bukod dito'y nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi, 23 Magdala ka rin ng mga pinakamagaling na espesia, ng taganas na mira ay limang daang siklo, at ng mabangong kanela ay kalahati nito, dalawang daan at limang pu; at ng mabangong kalamo ay dalawang daan at limang pu, 24 At ng kasia, limang daan, ayon sa siklo ng santuario, at ng langis ng oliva ay isang hin: 25 At iyong gagawing banal na langis na pangpahid, isang pabangong kinatha ng ayon sa katha ng manggagawa ng pabango: siya ngang magiging banal na langis na pangpahid. 26 At iyong papahiran niyaon ang tabernakulo ng kapisanan, at ang kaban ng patotoo, 27 At ang dulang, at ang lahat ng mga kasangkapan niyaon, at ang kandelero at ang mga kasangkapan niyaon, at ang dambanang suuban. 28 At ang dambana ng handog na susunugin sangpu ng lahat ng mga kasangkapan, at ang hugasan at ang tungtungan. 29 At pakabanalin mo upang maging mga kabanalbanalan: lahat ng makahipo sa mga yao'y magiging banal. 30 At iyong papahiran ng langis si Aaron at ang kaniyang mga anak, at iyong papagbabanalin sila, upang sila'y mangasiwa sa akin sa katungkulang saserdote. 31 At iyong sasalitain sa mga anak ni Israel, na iyong sasabihin, Ito'y magiging banal na langis na pangpahid sa akin sa buong panahon ng iyong mga lahi. 32 Sa laman ng tao ay huwag ninyong ibubuhos, ni huwag kayong gagawa ng gaya niyan sa pagkakatha: banal nga at aariin ninyong banal. 33 Sinomang kumatha ng gaya niyan, o sinomang gumamit niyan sa isang taga ibang lupa, ay ihihiwalay sa kaniyang bayan.
34 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Magdala ka ng mababangong espesia, estacte, at onycha, at galbano; mabangong espesia na may taganas na kamangyan: na magkakaisa ng timbang; 35 At iyong gagawing kamangyan, na isang pabangong ayon sa katha ng manggagawa ng pabango, na tinimplahan ng asin, na pulos at banal; 36 At iyong didikdikin ang iba niyan ng durog na durog at ilalagay mo sa harap ng kaban ng patotoo, sa loob ng tabernakulo ng kapisanan na aking pakikipagtagpuan sa iyo: aariin ninyong kabanalbanalan. 37 At ang kamangyan na inyong gagawin, ayon sa pagkakatha niyan ay huwag ninyong gagawin para sa inyo: aariin mong banal sa Panginoon. 38 Sinomang gumawa ng gaya niyan, upang amuyin ay ihihiwalay sa kaniyang bayan.