11 At nangyari, na nang umurong sa Jerusalem ang hukbo ng mga Caldeo dahil sa takot sa hukbo ni Faraon, 12 Lumabas nga si Jeremias sa Jerusalem upang pumasok sa lupain ng Benjamin, upang tumanggap ng kaniyang bahagi roon, sa gitna ng bayan. 13 At nang siya'y nasa pintuang-bayan ng Benjamin, isang kapitan ng bantay ay nandoon na ang pangalan ay Irias, na anak ni Selemias, na anak ni Hananias; at kaniyang dinakip si Jeremias, na propeta, na sinasabi, Ikaw ay kumakampi sa mga Caldeo. 14 Nang magkagayo'y sinabi ni Jeremias; Kasinungalingan, hindi ako kumakampi sa mga Caldeo. Nguni't hindi niya dininig siya: sa gayo'y dinakip ni Irias si Jeremias, at dinala sa mga prinsipe. 15 At ang mga prinsipe ay napoot kay Jeremias at sinaktan nila siya, at isinilid sa bilangguan sa bahay ni Jonathan na kalihim: sapagka't kanilang ginawang bilangguan yaon.
16 Nang si Jeremias ay makapasok sa bilangguang nasa ilalim ng lupa, at sa loob ng mga silid, at nang mabilanggo si Jeremias doon na maraming araw; 17 Nagsugo nga si Sedechias na hari at ipinasundo siya: at tinanong siyang lihim ng hari sa kaniyang bahay, at nagsabi, May anoman bagang salitang mula sa Panginoon? At sinabi ni Jeremias: Mayroon. Sinabi rin niya, Ikaw ay mabibigay sa kamay ng hari sa Babilonia. 18 Bukod dito'y sinabi ni Jeremias sa haring Sedechias, Sa ano ako nagkasala laban sa iyo, o laban sa iyong mga lingkod, o laban sa bayang ito upang ilagay ninyo ako sa bilangguan? 19 Saan nandoon ngayon ang inyong mga propeta na nanganghula sa inyo, na nangagsasabi, Ang hari sa Babilonia ay hindi paririto laban sa inyo, o laban man sa lupaing ito? 20 At ngayo'y dinggin mo, isinasamo ko sa iyo, Oh panginoon ko na hari: isinasamo ko sa iyo na tanggapin ang aking pamanhik sa harap mo, na huwag mo akong pabalikin sa bahay ni Jonathan na kalihim, baka mamatay ako roon. 21 Nang magkagayo'y nagutos si Sedechias na hari, at kanilang ibinilanggo si Jeremias sa looban ng bantay; at kanilang binigyan siya araw-araw ng isang putol na tinapay na mula sa lansangan ng mga magtitinapay, hanggang sa maubos ang lahat na tinapay sa bayan. Ganito nabilanggo si Jeremias sa looban ng bantay.