1 At si Sedechias na anak ni Josias ay naghari na gaya ng hari, na humalili kay Conias na anak ni Joacim, na ginawang hari sa lupain ng Juda ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia. 2 Nguni't maging siya, o ang kaniyang mga lingkod man, o ang bayan man ng lupain, hindi nakinig sa mga salita ng Panginoon na kaniyang sinalita sa pamamagitan ng propeta Jeremias.
3 At sinugo ni Sedechias na hari si Jucal na anak ni Selemias, at si Sephanias na anak ni Maasias na saserdote, sa propeta Jeremias, na sinabi, Idalangin mo kami ngayon sa Panginoon nating Dios. 4 Si Jeremias nga ay naglalabas pumasok sa gitna ng bayan: sapagka't hindi nila inilagay siya sa bilangguan. 5 At ang hukbo ni Faraon ay lumabas sa Egipto: at nang mabalitaan sila ng mga Caldeo na nagsisikubkob ng Jerusalem, ay nagsialis sa Jerusalem.
6 Nang magkagayo'y dumating ang salita ng Panginoon sa propeta Jeremias, na nagsasabi, 7 Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Ganito ang inyong sasabihin sa hari sa Juda, na nagsugo sa inyo sa akin upang magsiyasat sa akin: Narito, ang hukbo ni Faraon, na lumabas upang tulungan kayo, ay babalik sa Egipto sa kanilang sariling lupain. 8 At ang mga Caldeo ay magsisiparito uli, at magsisilaban sa bayang ito; at kanilang sasakupin, at susunugin ng apoy. 9 Ganito ang sabi ng Panginoon, Huwag ninyong dayain ang inyong sarili, na magsabi, Tunay na magsisialis sa atin ang mga Caldeo: sapagka't hindi magsisialis. 10 Sapagka't bagaman inyong sasaktan ang buong hukbo ng mga Caldeo na lumalaban sa inyo, at ang naiwan lamang doon ay mga lalaking sugatan sa gitna nila, gayon ma'y babangon sila, ang bawa't isa sa kaniyang tolda, at susunugin ng apoy ang bayang ito.